SA wakas, napilit din ng kanyang team ang Teleserye King na si Coco Martin na gawin ang matagal nang request ng kanyang mga fans at supporters.
Nagdadalawang-isip kasi ang Kapamilya superstar na sumabak sa isang bagong mundo na hindi niya nakasanayan dahil may agam-agam siya na baka hindi niya makayanan ang “pressure” at “demand”.
Mga ka-BANDERA, kung ang pagpasok sa politika at pagtakbo sa 2025 elections ang iniisip n’yo, naku, nagkakamali kayo dahil mukhang wala pa talaga sa isip niya ang maging politiko.
Ang tinutukoy namin ay ang pagkasa ni Coco na pasukin na rin ang pagti-TikTok. Yes, napa-oo na rin ang partner ni Julia Montes na gumawa na rin ng content para sa naturang platform.
Baka Bet Mo: Coco hirap na hirap mag-shooting sa US: Hindi ko alam kung paano ko kakausapin ‘yung mga crew doon
At in fairness, sa loob lamang ng anim na oras mula nang isapubliko ni Coco ang kanyang official TikTok account ay nakakuha na agad siya ng 68,000 followers.
In-open ni Coco ang kanyang verified account na @cocomartinofficial kahapon kalakip ang isang nakakaaliw na video kung saan niya pormal na in-announce ang pagpasok niya sa naturang social media app.
“Matagal ko pong pinag-isipan ito at ngayon desidido na ako. Gagawin ko ito para sa kinabukasan ko, sa kinabakusan ng aking pamilya at sa kinabukasan ng lahat ng mga Pilipino,” ang pasakalyeng mensahe ni Coco sa lahat ng kanyang tagasubaybay.
Patuloy pa ng premyadong aktor at lead star ng hit Kapamilya action-drama series na “FPJ’s Batang Quiapo”, “Maraming mga taong kumakausap sa akin, maraming mga taong kumukumbinsi at ngayon desido na ako.
“Kayo ang kauna-unang makakaalam nito, ako si Coco Martin – nasa TikTok na. Kaya ano pa ang hinihintay niyo i-follow niyo na ako,” ang paandar pang sabi ni Coco.
Bukod sa TikTok, active rin si Coco sa Facebook (Real Coco Martin) at Instagram (cocomartin_ph).
So, abangers na lang tayo kung anu-anong klaseng content ang ise-share ni Coco sa kanyang TikTok account.