CJ Opiaza ng Castillejos, Zambales itinanghal na Miss Grand PH 2024
WAGING Miss Grand Philippines 2024 ang kandidata ng Castillejos, Zambales na si CJ Opiaza sa katatapos lang na grand coronation night.
Ito’y ginanap sa Newport Performing Arts Theater, Newport World Resorts sa Pasay City na nagsimula kagabi at umabot hanggang ngayong madaling-araw ng Lunes.
Si CJ ang magiging representative ng Pilipinas sa gaganaping Miss Grand International 2024 sa darating na October 25, sa MGI Hall, Bravo BKK Mall, Thailand.
Nasa balikat na niya ngayon ang tungkuling maibigay sa Pilipinas ang una nitong “golden crown” dahil hanggang ngayon ay wala pang nananalong Pinay sa naturang international pageant.
Baka Bet Mo: ‘Gifted Child’ CJ de Silva namaalam na sa edad 36; 2 beses na-stroke
Tinalbugan ni CJ ang 19 iba pang kalahok upang manahin ang titulo mula kay Miss Grand Philippines 2023 Nikki de Moura ng Cagayan de Oro.
Dalawang titleholders pa ang hinirang sa katatapos lang na pageant. Kinoronahan bilang Universal Woman Philippines 2025 si Sophia Bianca Santos ng Pampanga.
Itinanghal naman bilang Miss Teen International Philippines 2024 si Anna Margaret Mercado ng Quirino.
Nagtapos naman bilang first runner-up si Jubilee Therese Acosta ng Manila habang second runner-up si Alexandra Mae Rosales ng Laguna.
Ang kasalukuyang Miss Grand Philippines ng ALV Pageant Circle ang ikatlong hiwalay na national pageant na pumipili sa kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International contest.
Noong 2014 isinagawa ang unang kumpetisyon, na itinanghal ng yumaong pageant mentor at organizer na si John Dela Vega.
Wala pang Pilipinang nagwawagi sa Miss Grand International pageant. Pinakamataas nang puwesto para sa Pilipinas ang first runner-up, na naitala ng mga reyna ng Bb. Pilipinas na sina Nicole Cordoves (2016) at Samantha Bernardo (2020).
Ilang reyna ng Bb. Pilipinas pa ang nakapasok sa Top 5—sina Ali Forbes noong 2013, Parul Shah noong 2015, at Elizabeth Clenci noong 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.