Martin aminadong mas mahusay na ama si Robin Nievera kesa sa kanya
NAGING emosyonal si Martin Nievera nang ipakilala ang panganay na si Robin Nievera sa katatapos lang na “The King 4Ever” concert sa Araneta Coliseum nitong Biyernes, Setyempre 27.
Mula Chicago, Illinois ay dumating si Robin para suportahan ang 42nd anniversary concert ng ama at kasama niyang dumating ang mag-ina niyang sina Mian Acoba at Finn.
Nang tinawag na ni Martin ang anak para sa production number nila ay garalgal ang boses niya na sinabing mas mahusay na ama si Robin sa anak nito kaysa sa kanya noon at ramdam niya kung gaano ka-dedicated ang panganay sa kanyang apong si Finn.
Baka Bet Mo: Martin nangangamba para sa anak na may ASD: Paano kung…
Ipinakita sa monitor ang mag-ina ni Robin na sina Mian at Finn na naka-headset at mukhang bagong gising pa.
Sabi ni Martin kay Robin, “I want you to sing this song I wrote you, I want you to sing this song to your son. I’ve seen how you feel now. But when I sing this song and I think of you with Ram and Santino it breaks my heart because you’re not with me and he is with you, never leave his (Finn) side.”
Pinayapa naman ni Robin ang ama at sinabing huwag itong mag-alala dahil lahat ng inakala ni Martin na nagkamali siya ay hindi totoo para sa kanya at tanggap niya ang lahat ng mga nangyari.
“Then, don’t do what I did,” mabilis namang sabi ni Martin.
View this post on Instagram
Ang paghihiwalay nina Martin at dating asawang si Pops Fernandez ang ibig tukuyin ng una at naiwan sa pangangalaga ang dalawang anak na sina Robin at Ram sa ina.
At saka kumanta ang mag-ama ng “I’ll Be There” at hiyawan ang lahat.
Halatang kabado si Robin kaya’t sinabayan siya ng ama at naging kampante na rin hanggang matapos ang kanta.
Second prod number ng mag-ama ay ang awiting “You Are To Me” at ang backdrop ay ang kuha ni Martin noong bata pa si Robin at ang kuha naman ni Finn kasama ang amang si Robin.
Full house ang Big Dome sa ginanap na show ni Martin kaya panay ang pasalamat niya sa producer niyang si Ogie Alcasid kasama rin ang asawa nitong si Regine Velasquez-Alcasid na isa sa guest sa “The King 4Ever” na idinirek naman ni Paolo Valenciano na inaanak ng Concert King.
Hindi nakalimutan ni Martin na pasalamatan ang entertainment press at ang publicist nitong si Jun Lalin dahil sa tulong ng promo ng kanyang concert. Natuwa kami sa gesture na ito ng Concert King dahil hindi pa rin siya nakakalimot mula noon hanggang ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.