Nilimot kung ano man ang kinaugaliang gawain sa araw araw, makisig na pagkilos at kitang-kita ang kasipagan ng mga tao sa kani-kanyang tahanan, sa mga lansangan, sa simbahan at sabungan at sa kabukiran; pinupuno ang mga bintana ng mga banderitas at damaskong may iba’t ibang kulay; umuugong ang buong lugar sa musika at putukan; ang hangin ay puno ng kagalakan
Sari-saring minatamis na mga bungang kahoy ay nakalagay sa mga dulcerang kristal na nagtataglay ng masasayang kulay na inayos ng isang dalaga sa isang mesita na tinatakpan ng puting, burdadong mantel.
Sa patio, sumisiap ang mga sisiw, kumakakak ang mga inahing manok, gumigiik ang mga baboy na nagigitla sa ingay at kasiyahan ng mga tao. Akyat-panaog naman ang mga kasambahay na bitbit ang mga ginintuang vagilia, mga pilak na kubiyertos. Sa kabilang dako, may pinapagalitan dahil sa pagkabasag ng isang pinggan, doon nama’y pinagtatawanan ang isang dalagang taga bukid; sa lahat ng dako ay may nag-uutos, nagusap-usap, nagsisigawan, nagtutuksuhan, nagkakasiyahan at pawang kaguluhan, ugong at kaingayan.
At ang lahat ng pagsusumikap at pagpapagod ay para sa mga bisita, kilala man o hindi, dahil mahalaga ang pagpapakita ng kagandahang loob sa mga bisita, kahit hindi na magkita pang muli, maging taga-ibang bayan, manlalakbay, kaibigan, kaaway, isang Filipino, isang Kastila, dukha man o mayaman, ay lilisan pagkatapos ng fiesta na may tuwa at walang maipipintas: hindi man lamang hinihingi sa kanila na kumilala ng utang na loob, walang gawing masama upang hindi matunawan ng pagkaing kinain sa piging!
Ang mga mayayaman na taga nayon, na nakarating na ng Maynila, na walang kinikilalang kapit-bahay ay nagsi-uwi ng cervesa, champagne, mga iba’t ibang licor, mga alak, at mga pagkaing galing Europa na hindi man nila matitikman ni isang subo man o isang lagoc. Pero talaga namang maganda ang pagkakahanda ng kanyang mesa.
Sa dakong gitna ay naroon ang isang pinya-pinyahang kinatutusukan ng mga palitong panghininga, na lubhang marikit ang pagkakagawa, ng mga bilanggo sa oras ng kanilang pamamahinga. Ang mga panghiningang ito ay may anyong pamaypay, pinagsalitsalit na bulaklak, isang ibon, rosas, dahon ng ahahaw o mga tanikala, na nagmula sa isang putol na kahoy lamang: isang bilanggo na pinarusahan sa sapilitang pagtatrabaho na isang mapurol na kutsilyo lamang ang gamit na kasangkapan at boses ng bastonero ang tanging inspirasyon.
Sa magkabilang tabi ng pinya-pinyahang ito ay mga palillera at nakatumpok na parang piramido sa kristal na frutero ang mga dalandan, lansones, atis, chico at mangga, kahit hindi ito napapanahon sa buwan ng Nobyembre; at saka mga bandeha sa ibabaw ng mga kinulayang papel na may burdang inukit na makikinang ang mga kulay.
Nakaahin din ang mga hamon na galing Europa at galing China, isang malaking pastel na ang anyo ay Agnus Dei, isang tupa na may tangay na banderitang may nakadibuhong krus o kaya ay isang kalapati na marahil at Espiritu Santo, mga rellenadong pabo at marami pang iba. Kasama rin dito ay ang mga pagkaing pampagana, tulad ng achara na nasa loob ng frasco na may kaayaayang hugis na hinulma mula sa ibat’ ibang klase ng gulay at bulaklak na mainam ang pagkakahiwa. Ang mga ito ay idinikit gamit ang arnibal sa tagiliran ng garapon.
Linilinis ang mga globong vidrio, na pinagmanahan at pinasa mula sa ama sa anak, pinakikintab ang mga tansong aro; hinuhubaran ang mga lamparang petrolyo ng kanilang mapupulang sisidlan na sa halos isang taon ay napuno ng dumi ng kulisap. Umuugoy, kumakalansing ng maligayang himig ang mga almendra at mga palawit na kristal na kumikinang ng sarisaring maningning na kulay dahil sa anyo ng pagkakatapyas nito. Naaaninag ang sapin-sapin at maniningning na kulay ng bahag-hari sa puting pader sakaling tamaan ito ng sikat ng araw.
Ang mga kabataan ay naglalaro, nagtatawanan, naghaharutan, hinahabol at kinakapa ang mga maningning na kulay sa puting pader, mga nagsisitisod at nakakabasag ng kagamitan, ngunit sila’y hindi nakakagambala upang hindi mapagpatuloy ang katuwaan ng fiesta: ngunit kung ito ay nangyari sa ibang panahon, marahil iba ang kanilang kasasapitan.
Lumalabas din sa mga panahong ito, tulang ng mga nasabing kagalang-galang na mga lampara ay ang mga matiyagang ginawa ng mga dalaga: mga belong ginantsilyo, maliliit na alponbra, mga gawang-kamay na bulaklak. Nilalabas din ang mga minanang bandehado na sa ginta ay may nakapintang akuwaryum: may mga maliliit na isda, mga buwaya, mga lamang dagat, mga lumot, mga coral at mga batong vidriong maniningning ang mga kulay. Napupuno ang mga bandehang ito ng mga tabako, mga cigarillo at maliliit na hitsong na pinili at nirolyo ng mga maliliit na daliri ng mga dalaga.
(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito?
May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.