NAGTATAKBO palabas ng isang beauty clinic ang OPM icon na si Dulce nang malamang sasailalim siya sa pagpaparetoke.
Walang kaalam-alam ang beteranang singer na may plano pala ang mga taong humahawak sa kanyang career noon na ipagalaw ang kanyang ilong para patangusin ito.
Ayon kay Dulce talagang tumakas siya mula sa naturang clinic dahil ayaw niyang iparetoke ang kanyang ilong. Naniniwala raw siya na walang problema sa itsura niya bilang singer and performer.
Naichika niya ito sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” kahapon, September 20, kung saan inamin niyang tinawag siyang “rebelde” ng kanyang team habang inaayos noon ang kanyang album.
Baka Bet Mo: Maine nag-react sa ‘blind item’ na tungkol sa host na suplada, mataray
“Ayokong pumayag na gawin ‘yung mukha ko. Ayoko talaga,” ang sey ng veteran singer tungkol sa pagpapagalaw sa kanyang nose.
Pagbabalik-tanaw ni Dulce, dinala raw siya sa isang ospital ng kanyang management pero hindi niya alam na sasailalim siya sa nose job. Nagulat na na lang siya nang sukatin na ang ilong niya.
“‘Ano ‘yan?’ Tapos drawing-drawing kasi nga iaayos na nga. No! I ran away. Tumakbo talaga ako. Sabi ko, ‘No. Hindi po ako puwede talaga magpagalaw,'” sey ni Dulce.
Paliwanag pa niya, “I really believe, Boy, na kung dumating man ako rito, nakaabot ako ng Maynila, it’s because of the voice that God gave me.
“Ngayon meron akong fear na kapag ginalaw ang ilong, eh talaga magbabago or ano man ang mangyari,” sabi ng singer.
Taong 1975 nang magsimulang sumali si Dulce sa mga singing contest sa Cebu at pagsapit ng 1979, nag-champion siya sa Asian Singing Competition kung saan niya kinanta ang “Ako Ang Nasawi, Ako Ang Nagwagi.”
Siya rin ang nagpasikat ng mga classic OPM na “Paano” at “Kastilyong Buhangin.”