Mga ebidensya ni Sandro Muhlach laban sa 2 kinasuhang writer kulang?

Mga ebidensya ni Sandro laban sa 2 kinasuhang writer kulang?

Sandro Muhlach

Trigger Warning: Mention of sexual abuse

HINDI sapat ang ebidensiyang isinumite ng kampo ni Sandro Muhlach sa Department of Justice (DOJ) para sa sexual abuse case laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.

Iyan ang pahayag ng abogado ng dalawang independent contractors ng GMA 7 na si Atty. Maggie Abraham-Garduque matapos mabasa ang salaysay ni Sandro hinggil sa umano’y ginawang panghahalay sa kanya.

Sa inihaing counter-affidavit nina Nones at Cruz, isa-isa nilang pinabulaanan ang mga akusasyon ni Sandro laban sa kanila.

Baka Bet Mo: 2 GMA writer binasag si Sandro: Bakla po kami, pero hindi kami abuser

Sa panayam ni Gorgy Rula kay Atty. Maggie sa DZRH, ipinaliwanag nito na ang mga bagong rules ng DOJ para sumampa sa korte ang isang kaso.

“Sa DOJ po ngayon, may bago na pong rules na hindi na basta probable cause lang. Ibig sabihin, dati po, puwede na po masampa ang kaso sa korte kung may possibility o probability na nangyari ang krimen, at ang respondents ang probable na gumawa nito.

“Ngayon po under the new rules, mas mataas po ang quantum of evidence na required sa isang complainant para makapagsampa po ng kaso sa korte.


“Ngayon ay reasonable certainty of conviction na po. And para po sa kampo namin, yun pong mga ebidensiyang isinabmit ni Sandro Muhlach, testimonial documentary and object evidence po ay hindi po sapat,” esplika ng abogada.

Dagdag pa nitong paliwanag, “Actually, wala pong ebidensiya na makakapagtunay sa kaso na kanyang isinampa.

“Yung mga alegasyon po niya sa kanyang complaint affidavit ay taliwas po sa sarili niyang mga documentary at object evidence. Yun po ay inilagay namin sa aming counter affidavit,” sabi ni Atty. Maggie.

Samantala, naibahagi rin ng legal counsel nina Nones at Cruz ang tungkol sa iba pang ebidensiyang isinumite ng kampo ng Sandro sa DOJ.

Isa na nga rito ang umano’y partisipasyon ng girlfriend ni Sandro na si Shanelle na posibleng pagsumbungan daw agad ni Sandro kung hinalay nga ang binata nina Nones at Cruz.

“Ni-reattach po namin sa aming counter affidavit na ipinapakita na noong tinatawagan po ni Shanelle si Sandro doon sa loob ng kuwarto, meron pong mga cancelled calls si Sandro.

“Ibig sabihin po, kina-cancel po ni Sandro yung calls ni Shanelle, both sa messenger audio at saka po sa kanyang cellphone.

“Tapos po doon po sa kanyang Instagram video, tumawag po si Shanelle, nasagot po yun ni Sandro. Nag-usap po sila for 25 seconds.

“Tapos po may mga text messages din po si Shanelle kay Sandro at nasasagot din po ni Sandro.


“At doon po sa text messages na yun, nagpapakita na sinasabi po ni Shanelle na nagre-reply si Sandro kay Elijah doon sa friend niya.

“Para po sa amin, ito po ay panlaban at taliwas po sa sinasabi niya na he was restrained nung nasa loob po siya ng kuwarto.

“So kung meron po siyang control sa kanyang cellphone at nakausap pa nga po niya ang kanyang girlfriend habang nasa loob siya ng kuwarto, at nagte-text pa po siya sa girlfriend niya, sana nagsumbong na po siya o humingi na po siya ng tulong, di ba po?

“Yun pong mga ipinapakita namin na hindi po nag-pass sa credibility din yung testimoniya ni Sandro. Aside from the fact na taliwas din po ito doon sa documentary evidence niya at saka sa object evidence niya,” mahabang paliwanag pa ng abogada.

Nagkita sina Sandro, Nones at Cruz sa sa hearing nila sa DOJ noong Huwebes, September 12. Balitang sumigaw daw ang binata na huwag lumapit sa kanya ang dalawang akusado kaya naman agad inilipat ng lugar ang mga ito.

Bukas ang BANDERA sa magiging reaksyon ni Sandro sa mga naging pahayag ng abogado nina Nones at Cruz.

Read more...