BGYO ‘inurong’ na ang demanda laban sa isang basher na nag-sorry, pero…
BUKOD sa nagpatawad ang Pinoy pop group na BGYO, binawi na rin nila ang isinampang demanda laban sa isang basher.
Kung maaalala noong Hunyo, nagsampa ng kasong cyberlibel at unjust vexation ang all-male group laban sa ilang indibidwal na nagpapakalat ng fake news sa social media.
Desidido ang mga miyembro na panagutin sa batas ang mga taong patuloy na gumagawa ng malilisyosong kwento at pekeng balita laban sa kanila.
Ito ang dahilan kaya sila ay personal na dumulog sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Kamakailan lang, humarap sa media ang BGYO kasama ang legal counsel nila na si Atty. Joji Alonso.
Baka Bet Mo: BGYO, BINI matinding hamon ang haharapin sa ‘One Dream’ concert: Tingnan natin kung kakayanin nila!
Personal din nilang na-meet ang isa sa mga kinasuhan nila na si Rachelle Galang.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN, personal na humingi ng tawad ang akusado dahil sa ipinost niyang hindi maganda sa TikTok.
“Taos puso [akong] humihingi ng tawad sa BGYO, Star Magic, at sa lahat po ng fans ng BGYO na naapektuhan at nasaktan ng dahil sa aking nagawa,” bungad sa pahayag ni Rachelle.
Kwento niya, “Noong April 23, 2024, ako po ay nag-upload ng video sa aking Tiktok account na naglalaman ng hate, bashing at false accusations laban sa BGYO na walang ebidensya at purong paninirang puri laban sa kanila.
“Noong gabi ring yon, agad kong binura ang na-upload na video dahil sa pagsisisi at alam ko po sa aking sarili na walang katotohanan ang mga nasabi ko.
“Noong August 1, 2024, nalaman ko na ako ay sinampahan ng kasong kriminal dahil sa pag- upload ko ng nasabing video na naglalaman ng paninirang puri sa pagkatao ng mga miyembro ng BGYO.
“Ako po ay nagsisisi sa aking nagawa at gusto kong itama ang aking pagkakamali.”
Dagdag pa niya, “Ito ay magiging malaking aral sa akin. Kaya laging tatandaan ang katagang ‘think before you click’ at laging mag-isip bago mag-upload sa social media dahil maraming tao ang maaari nitong ma apektuhan.”
Giit niya, “Again po sa BGYO, Star Magic, and BGYO fans I’m really sorry for my wrongful actions and from the bottom of my heart, this will serve as a lesson for me. Maraming salamat po sa inyong pagintindi at pagpapatawad.”
Tinanggap naman ng BGYO ang apology at nakipagkamay sila kay Rachelle, pati na rin sa kasama nitong ina.
Kasunod niyan, binasa naman ng lider ng grupo na si Gelo Rivera ang kanilang statement kaugnay sa cyberbullying.
“Nuong una po, kami ay nanahimik lang, hoping it will blow over. Hinayaan lang namin ito dahil alam namin, ng aming Management, at ng aming pamilya ang katotohanan. Pero patuloy na lumakas ang loob ng mga haters sa pag-iimbento ng mga kwento laban sa amin na nagdulot ng sobrang emotional and mental distress at naapektuhan ang aming reputasyon at career,” paliwanag nila.
Patuloy pa, “Kaya naman po we have filed cases para harapin ang mga issues na ito sa tamang forum. Isa sa mga nasampahan namin ng kaso ay si Ms. Rachel Galang.”
“Tatanggapin po namin ang kanyang pag-amin ng pagkakamali. Bilang konsiderasyon na lang din po sa kanyang pamilya, ay iuurong po namin ang kaso laban sa kanya,” wika ng BGYO.
Dagdag pa nila, “Gayunpaman, ipagpapatuloy po naming ang iba pang mga kaso na isinampa namin. We hope that Ms. Galang and other netizens would learn from this and stop spreading baseless and malicious allegations against other persons.”
“We hope that we can inspire other youths who are victims of cyberbullying and malicious disinformation to recognize their self-worth, realize that they have proper avenues to fight back, and to have the courage to stand up for themselves,” anila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.