Alagang biik sa Aklan winakwak, nilafang nga ba ng aswang?
TOTOO nga kaya ang kumalat na balita na isang biik daw sa Aklan ang namatay matapos lafangin ng pinaniniwalaang – aswang?
Yan ang tanong ng mga residente sa isang barangay sa Aklan matapos lumabas ang kuwento tungkol sa baboy na natagpuang wakwak ang katawan at wala nang lamang-loob.
Sa isang video na in-upload ng nagngangalang Jomar Maang na isang kagawad sa naturang lugar, makikita ang pagpunta ng may-ari ng biik na si Delbert Agravio sa kanilang babuyan.
Baka Bet Mo: Megan, Mikael posibleng mawala ang pagmamahal sa isa’t isa; Sheryl gaganap na aswang sa #MPK
Ngunit pagdating sa lugar ay wala na ang alagang baboy sa kulungan nito kaya agad nila itong hinanap sa paligid hanggang sa makita nila ang hayop na wala nang buhay.
Ayon kay Delbert, biyak ang katawan ng biik at wala na ang lamang-loob. Hindi na rin nila matagpuan ang kalahating bahagi ng baboy.
Ang nakapagtataka raw, wala rin silang nakitang dugo o kahit bakas man lamang sa paligid ng bangkay ng biik. Parang imposible naman daw na nilamon nang ganu’n-ganu’n na lang ang alagang hayop.
Ayon kina Kagawad Jomar Maang at Delbert, siguradong hindi tao ang pumatay sa baboy.
Posibleng malaking hayop daw ang tumira rito o maaaring isang nilalang na may kakayanang gumawa ng ganu’ng klase ng pagpatay.
Baka Bet Mo: Netizen inireklamo ang nabiling lechong baboy…hilaw at may dugo-dugo na, may naiwan pang lamang-loob
Sa video na ibinahagi ni Kagawad Jomar sa social media, tanging itaas na bahagi lang ng biik ang natagpuan nila nina Delbert at nasaid ang lamang-loob nito.
Sabi naman ni Delbert sa panayam sa kanya ng media, imposible raw na tinaga ang kanyang biik para mahati ang katawan nito lalo’t perpekto ang pagkakabiyak dito.
Aniya pa, may mga nakikita siyang mga gumagalang bayawak at mga aso sa kanilang lugar, pero hindi pa rin siya kumbinsido na kayang patayin ng mga ito sa ganu’ng paraan ang baboy.
Kasunod nga nito ang pagkalat ng bali-balita na baka nga raw aswang ang dumale sa biik ni Delbert ngunit wala pang ebidensiya ang mga residente at mga otoridad hinggil dito.
Sabi pa ni Delbert sa “FYP” o “For Your Page”, dapat daw imbestigahan ang insidente para maliwanagan kung ano ba talaga ang nangyari. Nasabi rin niya na mahirap paniwalaan sa ngayon na aswang ang pumatay sa alaga niyang biik.
Aminado naman ang mga tagaroon na nangangamba sila kung sino at ano ba talaga ang pumatay at kumain sa namatay na biik kaya naman doble na ang ginagawa nilang pag-iingat ngayon.
Sinabihan at inalerto na rin ng mga barangay officials sa lugar ang mga residente, partikular na ang lahat ng mga may alagang hayop.
Kayo ba, dear BANDERA readers, naniniwala ba kayo na aswang ang lumafang at nangmukbang sa biik ni Delbert?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.