MALAKAS ang pakiramdam ni Vice President Sara Duterte na wala na sa Davao City ang wanted sa batas na leader ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) para matukoy ang pinagtataguan ni Quiboloy na pinaniniwalaang nasa compound lang ng KOJC sa Davao City.
Ito’y para maisilbi na ang arrest warrant laban sa kanya dahil sa mga patung-patong na kaso kabilang na ang human trafficking at pang-aabuso.
Baka Bet Mo: Madlang pipol kanya-kanyang hugot sa pagkakulong ni Vhong Navarro; ‘It’s Showtime’ hosts nag-group hug
Isa si VP Sara sa napaulat na dumalo sa anniversary ng KOJC nitong nagdaang Linggo, base na rin sa report ng “24 Oras”.
At ayon nga sa bise presidente, wala na raw si Quiboloy sa Davao City dahil nabigyan ito ng sapat na panahon para pagplanuhan ang kanyang pag-alis.
“Napakataas ‘yung time na puwede niyang pag-isipan na aalis na ba ako o hindi. At isa din ‘yun sa mga dapat pag-isipan din ng administrasyon.
“Dahil sa mahabang-habang grand standing sa committee hearing, hindi na tuloy nakuha si Pastor Apollo Quiboloy,” ayon kay Duterte.
Baka Bet Mo: Apollo Quiboloy nawalan ng YouTube channel matapos isumbong ng netizen, may nilabag na guidelines
Sa tanong kung nasaan na kaya ngayon si Quiboloy, sagot ni VP Sara, “Ako, kung one guess kung nasaan si Pastor Quiboloy — nasa langit.”
Sabi pa ni Duterte, sana raw ay agad na naisilbi ang arrest warrant laban kay Quiboloy dahil madadamay aniya ang imahe ng Davao City.
“Hindi dapat ginagawang excuse na malaki ‘yung lugar. Sa sobrang dami ng mga pulis na nandiyan sa loob at sa sobrang dami ng pulis na pinadala para mag-execute ng warrant of arrest, magtataka ka, nine days na hanggang ngayon, hindi pa sila tapos sa pag-implement ng warrant of arrest nila,” ani Duterte.
Ayon naman sa Police Regional Office 11, kailangan nilang sundin ang operational procedures sa pagsisilbi ng arrest warrant.
“‘Yung ginagawa natin na implementation ng warrant of arrest sa loob ng KOJC compound ay within the bounds of the law and we follow the police operational procedures.
“Yung sinasabi na bakit matagal, tingnan niyo naman ang complexities ng KOJC compound,” katwiran ni PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey.
Nagkaroon muli ng tensiyon sa pagitan ng mga pulis at mga miyembro ng KOJC nitong nagdaang Lunes nang pabuksan ng mga operatiba ng PRO 11 ang Emerald Gate ng compound.
Ayon sa mga kasapi ng KOJC, nangangamba sila na baka magtanim daw ng ebidensiya ang mga pulis na papasok dahil wala raw scanner sa naturang gate.
Pero matigas naman itong itinanggi ng PNP. “May scanner o wala, wala kaming ipapasok na gamit to plant as evidence. Kung may ipapasok man kami na mga gamit ito ay in aid sa ginagawa namin pag-search kay Quiboloy,” depensa ni Dela Rey.