NAGPAHAYAG ng pagsuporta ang beteranang aktres na si Claudine Barretto sa labang kinakaharap ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach.
Sa kasalukuyan ay nagiging matunog ang pangalan ng binata matapos itong lumantad bilang biktima ng sexual harassment ng dalawang independent contractors ng GMA Network na sina Richard Cruz at Jojo Nones.
Sa naging live ni Claudine sa social media kamakailan ay inilahad ng aktres ang pagiging malapit niya sa ama ng binata na si Niño Muhlach dahil kaibigan ito ng kanyang ate na si Marjorie Barretto.
Bukod kay Sandro, suportado rin niya ang paglabas ni Gerald Santos bilang biktima rin ng sekswal na pang-aabuso noong nananatili pa ito sa Kapuso Network.
Baka Bet Mo: Claudine may hugot sa mga ‘ahas’: Masakit pala matuklaw!
Naniniwala si Claudine na tama lang ang ginawa nitong mga hakbang na magsalita at labanan ang mga nang-abuso sa kanila at hangad nitong makuha ang hudtisyang nararapat para sa kanila.
Sinagot niya rin ang mga bashers ng singer-actor na kumukwestiyon kung bakit ngayon lang siya nagsasalita tungkol sa isyu ng panggagahasa sa kanya ng isang musical director noong nagsisimula pa lang siya sa industriya.
“I support Gerald, 100%. Huwag po nating kwestiyunin kasi po ang tao na may pinagdaanan na ganiyan, hindi ho agad-agad nagsasalita. ‘Pag namolestiya ka, na-sexual harass ka, hindi po agad-agad nagsasalita,” aniya.
Kamakailan humarap sa Senate hearing ng Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Sen.Robin Padilla sina Sandro at Gerald bilang bahagi ng pagdinig sa mga nagaganap na sexual harassment at sexual abuse sa showbiz industry.