NAGSALITA na si Dottie Ardina, ang pambato natin sa women’s golf sa 2024 Paris Olympics, patungkol sa kumakalat na isyu sa uniform.
Magugunitang nag-viral ang video ni Dottie na inihayag ang kanyang pagkainis dahil hindi pa nabibigay ang uniform nila ng isa pang Pinay golfer na si Bianca Pagdanganan.
Mapapanood pa sa video ang ginawang DIY ni Dottie para malagyan ng patch ng Philippine flag ang kanyang suot na damit kung saan ay gumamit siya ng double-sided tape.
Nagpaliwanag naman ang National Golf Association of the Philippines (NGAP) na may uniforms talaga ang dalawa, ngunit hinarang ito sa French Customs kaya hindi agad na-release at hindi nakaabot sa mismong tournament ng dalawa.
Sa Facebook, nag-post ng mahabang mensahe ang Pinay golfer upang magkaroon ng paglilinaw sa naging isyu.
Baka Bet Mo: Magkapatid na Carlos, Eldrew Yulo ‘sureball’ sa 2028 Olympics –Cynthia Carrion
Pero bago ‘yan, nagpasalamat na muna siya sa lahat ng sumuporta sa kanila kahit wala silang maiiuwing medalya para sa bansa.
“Kinapos man po at naging mailap ang medalya pero kami po ay lumaban hanggang sa huli. Napaka laking karangalan po na mag representa ang bandila ng Pilipinas,” caption niya.
Kasunod niyan, nag-open up na siya patungkol sa viral video niya na naging hot topic sa social media.
Nilinaw rin niya na ang lahat ng sasabihin niya ay base sa kanyang karanasan at sariling opinyon lamang niya.
Kwento niya, Hunyo pa lang ay sinagutan na niya ang uniform size forms para sa 2024 Olympics.
Sinabi rin daw sa kanya ng NGAP na July 31 ang estimated time of arrival (ETA) ng kanilang golf bag at uniforms sa Paris.
August 2 nang nakarating na siya ng nasabing bansa at wala pa raw ‘yung ipinangakong uniforms sa kanila.
Nang mag-register daw sila ng kanyang caddie at coach noong August 4 ay nasita na sila at pinagsabihan ng officials dahil dapat suot na raw nila ang kanilang uniforms.
“Nagdahilan na lang po ako na hindi pa dumadating. August 4 ng hapon, dumating na din sa wakas ang uniforms pero ito ay mga tracksuits lang. Nagkatotoo ang ikinakaba ko at walang dumating na competition shirts,” sey niya sa post.
Kinabukasan, may dumating nang bagong uniforms pero hindi daw ito kasya sa kanila ng teammate niya at hindi sila magkaterno.
Ang required daw kasi sa kompetisyon ay dapat magkapareho ng suot ang mga magkakampi.
Sambit niya, “Walang nagawang tama. Bukod sa walang uniforms, WALA din pong na-provide na golf balls, head covers, gloves at golf umbrella. Bags (locally made) at golf shoes lang ang nabigay sa amin.”
“Mabuti po at may dala kaming sarili. Di ko maisip kung bakit walang budget para sa mga gear at equipment na iyon. Talagang KULANG KULANG,” lahad niya.
At dito na niya kinukwestyon na kung bakit daw ay parang binabaliktad siya sa inilabas na statement.
Kwento pa ng golfer, may mga dala silang plain shirts at sakto naman daw na may ibang nagkapareho sila ng kulay kaya ito muna ang kanilang ginamit.
May dala ding flag patches ang isa niyang teammate kaya ito raw ang dinidikit niya sa damit.
“Binigyan niya lang ako ng isang piraso na nililipat ko araw-araw sa gagamitin kong shirts,” chika niya sa FB.
August 6, nagpunta na raw sila ng mall para bumili ng ternong shirts na gagamitin sa kompetisyon dahil ito ang nasa rules ng Olympics.
Saad niya, “Nakalagay po sa statement ng POC na may provided daw po na uniforms at atleta daw nag-decide na huwag suotin. Sinabi naman sa NGAP statement na may paparating na pamalit na uniforms pero nag-decide daw ako na bumili na lang ng iba. Parang ako pa ngayon ang dahilan kung bakit kami hindi naka-uniforms ng maayos?”
“Uulitin ko po, walang dumating na uniporme at ang binili sa Paris ay hindi kasya sa amin PAREHO at ang PHI logo ay nasa ilalim ng collar,” patuloy niya.
Baka Bet Mo: Mommy Dionisia kay Carlos Yulo: ‘Mahalin mo ang nanay mo, huwag ka magkimkim’
Giit pa ni Dottie, “Hindi ko pong piniling magsuot ng ibang uniforms o shirts WALA po talaga akong choice kung hindi magsuot ng iba.
Ayon pa sa kanya, nagawa niya ang video dahil frustrated na siya during that time.
“Pwede naman po ako manahimik pero naisip ko na din, dapat akong magsalita, kung hindi na para sa akin,hindi ko masabi kung huling Olympics ko na ito, pero para na lang sa mga susunod pa sa amin. Para mas maayos ang kanilang Olympic experience,” esplika ni Dottie.
Umaasa rin ang Pinay golfer na hindi na mauulit ang palpak na karanasan niya kahit sa ibang sasalang sa Olympics.
“Sana magkaroon ng maayos na COMMUNICATION sa pagitan ng mga officials na naka-assign at sa mga atleta na maglalaro sa susunod na Olympics. Sana wala ng Philippine Team at atletang Pilipino ang magmukhang busabos at kawawa,” mensahe niya.
Lahad pa niya, “Wala pong ginastos para sa akin ang POC at NGAP para mag-qualify at para maghanda kami sa Olympics. Sarili ko at ng sponsors ko ang gastos at akin ang hirap at pagod para maghanda at mag-qualify.”
“Dumating na lang po kaming Olympians na at handang lumaban para sa bayan. Dadalawa na nga lang po kami sa golf, dalawampu’t dalawa sa lahat ng sports, hindi pa kami naasikaso ng maayos. Gumawa na kami ng paraan para magmukha kaming karespe-respeto dito, at sa huli ako pa ang parang sinisisi,” caption pa niya.
Ani niya, “Ako po ay walang masamang intensyon.”