Robin Padilla nag-sorry sa mga na-offend sa pagdinig ng ‘marital rape’
Trigger warning: Mentions rape, sexual abuse and harassment.
HUMINGI na ng sorry si Senador Robinhood Padilla matapos mag-react ang marami sa naging pagdinig niya kamakailan lang.
Magugunita noong Huwebes, August, 15, pinangunahan ng senador ang Senate Committee on Public Information and Mass Media at tinalakay ang mga usaping rape, sexual abuse at harassment.
Nag-viral sa social media ‘yung pagtatanong ng batikang aktor patungkol sa sexual rights ng isang mister kung sakaling wala sa mood ang misis.
“So halimbawa, hindi mo naman pinipili kung kailan ka in heat. Paano ‘yun kung ayaw ng asawa mo? Walang ibang paraan talaga para ma-ano ‘yung lalaki? So paano ‘yun, mambababae ka na lang ba? Eh ‘di kaso na naman ‘yun,” tanong ni Sen. Robin.
Baka Bet Mo: Robin Padilla nangako kay Sandro Muhlach: We will protect your rights
Ang kausap niya riyan ay ang resource person na si Atty. Lorna Kapunan at sinabi niya na pwedeng kasuhan ng marital rape ang mister sakaling pilitin ang misis na makipagtalik.
Sagot naman sa kanya ng senador, “Papaano ‘yun? Nandiyan ang asawa mo to serve you. Ayaw niya. So ano ang pwede kong [gawin] para hindi ako mareklamo ng asawa ko? Anong pwede kong sabihin sa kanya na, ‘Mahal, babe, please help me?”
Ayon kay Atty. Lorna, kailangan nang mag-counseling ang mag-asawa kung nagkakaproblema na ito sa sex life.
Ipinaalala rin ng resource person na importante na may “mutual respect” ang mag-asawa sa isa’t-isa, “That’s why it’s important. ‘Yung isyu ng mutual respect. If your spouse refuses whether valid or hindi, respetuhin natin ‘yung decision ng wife or husband.”
Ang bahagi ng pagdinig na ‘yan ay naging usap-usapan sa socmed at umani ito ng iba’t-ibang reaksyon.
Dahil diyan, humingi agad ng sorry si Sen. Robin at ipinaliwanag kung bakit ito ang naging topic sa pagdinig.
“Sa mga na-offend po o hindi nagustuhan ang aming pagdinig patungkol sa marital rape, mga kababayan paumanhin po,” caption ng aktor sa kanyang Facebook page.
Paliwanag niya, “Para din po sa inyong kaalaman ang aking committee po ay public information. Ito pong Committee na ito sa matagal na panahon ay tulog, hindi po ito nagagamit ng tama kahit nasa constitution ang public information.”
Nabanggit din niya na may pagkukulang umano ang gobyerno sa pagpapalaganap ng batas, lalo na’t marami raw sa bansa ang sangkot sa marital rape.
At ito raw ang kanyang misyon ngayon na maging informed ang maraming kababayan pagdating sa ganitong klaseng isyu.
“Dahil ang batas ang proteksyon ng tao kung hindi ito napalaganap, ito ay palamuti lang at maaring makabiktima ng ignorante,” saad niya sa FB.
Dagdag niya, “Gumagawa po tayo ng mga panukalang batas na magiging bunga ng ating mga pagdinig. ‘Wag po tayo maging sensitive sa pagdinig sapagkat ‘yun po ang ibig sabihin ng hearing.”
Esplika pa ng senador, “Ang aking pong isinasagawang mga pagdinig, sa aking bawat hearing walang pinakamahalaga kundi ang pagtatanong upang makakuha ng information dahil ang committee ko po ay committee of public information.”
Aniya pa, “Tandaan po natin ang well informed na bayan ay progresibo.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.