Ate Vi ibinuking ginagawa ni Mother Lily sa eroplano, ano kaya yun?
HANGGANG ngayon at hindi pa rin makapaniwala ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na pumanaw na si Mother Lily Monteverde.
Naging emosyonal din si Ate Vi sa kanyang eulogy para sa pumanaw na Regal Entertainment matriarch kung saan binalikan niya ang masasaya nilang bonding moments.
Ayon sa award-winning actress at movie icon, napakalaki ng utang na loob niya kay Mother Lily na isa sa mga taong talagang nagmahal at naniwala sa kanyang kakayahan bilang aktres.
Hinding-hindi raw niya makakalimutan ang unang project na ginawa niya sa Regal Films, ang “Pinay: American Style” na ipinalabas noong 1979.
“Sa Regal nag-umpisa ako, 1979, sa movie na ‘Pinay: American Style’. Si Mother po, mas personal lang kwento ko, si Mother po madalas ko nakakasama sa mga biyahe,” simulang pagbabahagi ni Ate Vi na halatang pinipigilan ang maiyak.
Baka Bet Mo: Snooky, Juday, Iza, Billy tunay na nanay ang turing kay Mother Lily
“If I may go back, gumawa po ako ng labing-apat na movies kay Mother Lily. My last movie with Mother is ‘Mano Po’ nung 2004.
“Si Mother, hindi nahihiya sa eroplano, nag-e-exercise. Sabi ko, ‘Mother, maupo ka! Hindi pa naman umaandar eh,'” kuwento pa ng premyadong aktres sa lamay ni Mother Lily sa Valencia Events Place na sinundan ng mahinang tawanan ng mga nasa wake.
Dagdag pa ni Ate Vi, sa Regal Films daw siya nagsimulang gumawa ng mga socially relevant na pelikula na humubog sa kanyang pagiging alagad ng sining.
“Dito rin po, when I won for ‘Broken Marriage’, beautiful, relevant movies, si Mother po ang nagbigay sa akin ng chance at oportunidad para gumawa ng tinatawag na relevant, meaningful movies.
“And for that, I am very, very grateful for Mother kasi dun po ako na-hone,” sabi pa ng aktres at dating public servant.
Inalala rin ni Ate Vi ang ginawang pagtulong sa kanya ni Mother Lily nang pasukin niya ang mundo ng politics, nang walang kapalit.
“Nu’ng kahilingan kong tumakbo bilang mayor, dalawa po sila ni Manay Ichu (Maceda) ang kinonsulta ko. Binigyan pa ako ng presscon ni Mother Lily nu’ng kampanya.
“Basta sabi niya sa akin, ‘Bilib ako sa’yo and you can do the work.’ Kaya Mother, Manay, maraming salamat. Sila ang nagbigay sa akin ng puso na ipagpatuloy yung trabaho ko,” pahayag pa ng aktres.
Bukod kay Ate Vi, ang iba pang celebrities na bumisita sa wake ni Mother Lily ay sina Cong. Lani Mercado-Revilla at Sen. Bong Revilla, Maricel Soriano, Snooky Serna, Dina Bonnevie, Janice de Belen, Aga Muhlach, Richard Gomez, Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Kuwento ni Lani, si Mother Lily daw ang naging “kupido” sa pagitan nila ni Sen. Bong, “We had our first pictorial sa park beside Mother Lily’s house sa Greenhills.
“So du’n po kami unang nagkita at si Mother bahagi ng pagkikita namin,” sabi ni Cong. Lani.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.