STAY safe, mga ka-BANDERA! At huwag kalimutang magdala ng payong at kapote tuwing lalabas.
Naging ganap na bagyo na kasi ang dalawang Low Pressure Area (LPA) na nasa ating bansa kaya asahan ang madalas na pag-ulan.
Ang mga bagyo ay pinangalanang sina Butchoy at Carina.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Wala pang direktang epekto ang mga ito, pero lalo nilang pinalalakas ang epekto ng Habagat na siyang magdudulot ng mga ulan sa maraming lugar.
Ang bagyong Butchoy ay huling namataan 535 kilometers kanluran ng Tanauan City, Batangas.
Baka Bet Mo: PAGASA opisyal nang idineklara ang ‘rainy season’
Taglay nito ang lakas na hanging 55 kilometers per hour at bugsong aabot sa 20 kilometers per hour.
Pa-kanluran ang galaw nito sa bilis na 25 kilometers per hour.
Ayon sa weather bureau, posible itong lumabas agad ng ating bansa anumang oras o sa loob ng 12 oras.
Ang bagyong Carina naman ay huling nakita 780 kilometers sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Ang hangin nito ay may lakas na 45 kilometers per hour at bugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos sa bilis na 20 kilometers papuntang kanluran.
“CARINA is forecast to slowly intensify until Sunday, and is forecast to reach tropical storm category by Sunday. Beginning on Monday, the tropical cyclone will likely intensify further at a faster rate, eventually reaching typhoon category on Tuesday,” saad sa weather bulletin ng PAGASA ngayong umaga, July 20.
Una naming nabanggit na magpapaulan sa bansa ay ang Southwest Monsoon o Habagat, kaya asahan ang kalat-kalat na mga ulan sa Antique, Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan ngayong araw na ito.
May panaka-nakang pag-ulan naman sa Mindanao, at sa nalalabing bahagi ng Visayas at MIMAROPA.
Uulanin din sa Metro Manila at sa natitirang lugar ng Luzon.