PUNUMPUNO ang dalawang sinehan sa SM North Cinema kung saan ginanap ang premiere night ng horror-drama movie na “Kuman Thong” na idinirek ni Xian Lim.
Siyempre, present si Xian sa nasabing event at kasama pa niya ang current girlfriend na si Iris Lee na rumampa sa naganap na red carpet na talaga namang dinagsa ng mga fans.
Nasa premiere night din ang lead stars ng “Kuman Thong (Black Magic Baby)” na sina Cindy Miranda, Althea Ruedas, Emmanuel Esquivel at ang Thai actor na si Max Nattapol.
Baka Bet Mo: Xian hinamong sagutin ang tanong ng fans: ‘Sino si Iris Lee sa buhay mo!?’
Kung hindi kami nagkakamali, ito ang unang public appearance nina Xian at Iris mula nang aminin ng aktor at direktor ang kanilang relasyon at mukhang proud na proud naman siya sa bagong dyowa.
In fairness, magka-holding hands pa silang rumampa sa red carpet premiere ng “Kuman Thong” kaya nagpiyesta ang mga fans sa pagkuha ng litrato at video sa kanila. Si Iris Lee nga pala ang associate producer ng movie at co-writer din ni Xian sa pagsulat ng script.
Pansin na pansin din ang sobrang pag-asikaso ni Xian kay Iris bago magsimula ang premiere night hanggang sa matapos ang programa kaya naman nagkakaisa ang mga tao sa pagsasabing mukhang super naka-move on nga talaga ang aktor sa breakup nila ni Kim Chiu.
Samantala, kinilig at super happy naman si Xian at ang buong production ng “Kuman Thong” sa mga magagandang review na kanilang natanggap after ng premiere night.
Bukod sa mga positive comments sa kanya as a director, aprub din sa mga nakapanood ng movie ang akting nina Cindy Miranda, Althea Ruedas, Emman Esquivel, Max Nattapol, at Thai actress na si Jariya Therakaosal.
Baka Bet Mo: Kathryn Bernardo, Dolly de Leon rumampa sa Hollywood premiere ng ‘A Very Good Girl’
In fairness, maraming gulat at sigaw factor ang “Kuman Thong (Black Magic Baby)”, idagdag pa ang madudugong eksena, kaya siguradong mag-eenjoy ang mga mahihilig sa horror movies.
Bukod pa yan sa napakagandang cinematography dahil sa Thailand nga kinunan ang halos kabuuan ng pelikula.
Nakuha ni Xian ang inspirasyon ng pelikula sa Thai mythology, “My goal is to do justice to the Thai mythology and capture its authenticity.”
Iikot ang kuwento ng “Kuman Thong” kay Clara (Cindy), na pupunta sa Thailand kasama ang anak na si Katie (Althea) upang humingi ng basbas kay Namfon (Jariya), ang ina ng kanyang mapapangasawa na si Sai Chon (Max).
Hindi masaya si Namfon na lilipat na ang kanyang nag-iisang anak na lalaki sa Pilipinas. Naniniwala siyang hindi pa handa ang dalawa, lalo at nagluluksa pa si Clara sa pagkamatay ng kanyang anak na si Isaac (Emman). Palagi pang dala ni Clara ang urn na naglalaman ng mga abo ni Isaac.
Sa kanyang pagbisita sa Thailand, makikilala ni Clara ang isang shaman na may isasagawang ritwal gamit ang abo ni Isaac. Bibigyan din siya nito ng isang Kuman Thong. Ayon sa shaman, kung aalagaan niya nang mabuti ang Kuman Thong, maaaring magbalik si Isaac.
Sa kabila ng pagtutol ni Namfon, itatago pa rin ni Clara ang Kuman Thong sa pag-asang muling makapiling ang anak.
Pagkatapos magsimulang mag-alay ni Clara sa Kuman Thong, mababalot ang kanilang dati’y tahimik na tahanan ng mga kakaibang pangyayari.
Nag-uumpisa na ring magbago ang kilos ni Clara, at nararamdaman na rin niya ang presensya ni Isaac. Kahit nalalagay na sa panganib ang kanilang pamilya, masaya pa rin sina Clara at Katie sa “pagbabalik” ni Isaac.
Lalong mag-iiba ang kanilang buhay dahil tila hindi lamang ang espiritu ni Isaac ang nagbabanta sa kanilang pamilya, na hahantong sa pagkabunyag ng mga malagim na sikreto na babago sa kanilang buhay.