Itchyworms sa limited merch nila na craft beers: ‘Level up na tayo!’
MAY bago tayong update sa ilulunsad na sariling brand ng craft beers ng The Itchyworms.
Nakadalo ang BANDERA sa recent press conference ng banda sa San Juan City at dito nila chinika ang tungkol sa kanilang bagong produkto.
Bukod sa inspirasyon nila ang hit song na “Beer,” nais din nilang maglabas ng kakaibang merch para sa fans.
“Siyempre dahil may kanta kaming ‘Beer,’ ilang taon na ‘yan kaya parang gusto naming panindigan. Bukod sa manginginom kami, kailangan na naming gumawa ng beer…level up na tayo,” sey ng bass guitarist na si Kelvin Yu.
Paliwanag pa niya, “Naglabas kami ng beer kasi parang lahat ng tao nakapaglabas na ng merch eh– may t-shirt, may bag, may cap, tumbler, sticker, keychain tapos wala pang naglalabas [ng beer].”
“So gusto namin maglabas ng kakaiba na drinkable at consumable na in line doon sa produkto namin,” saad pa niya.
Baka Bet Mo: Jugs Jugueta laging napagkakamalang si Ebe Dancel noon: ‘Buti na lang, nakilala ko si Andie at pinataba niya ako’
May dalawang variants ang ilalabas na craft beers ng banda, ito ang BEER at ang isa naman ay PAG-IBIG.
“‘Yung BEER, medyo fruity…easy drinking siya. Makakarami kayo sa kanya and 5% alcohol siya,” esplika ni Jugs.
“‘Yung PAG-IBIG, 6.5% alcohol so parang siyang Red Horse, ganung level siya at tsaka mapait siya kasi alam niyo naman ang pag-ibig, mapait,” pabirong sabi ng co-vocalist ng banda.
Singit naman ni Kelvin, “Pero pag pinaghalo mo [‘yung dalawang beer], mababawasan ‘yung pait.”
Ani ni Jugs, “Korek! Oo nagawa na natin ‘yun, pinaghalo namin tapos parang masaya rin siya paghaluin, so try niyo ‘yun.”
Paglilinaw pa ng bass guitarist, “Hindi kami expert craft brewers, ang nag-brew nito para sa amin ay ‘yung Flat Foot Brewing Company.”
At dahil napag-usapan ang tungkol sa kantang “Beer,” isa sa napag-usapan ay kung ano ba ang inspirasyon sa likod ng nasabing hit song.
Kwento ng lead vocalist na si Jazz Nicolas, “Kasi sa labas ng bahay namin, may naggigitara tsaka nagja-jam, ‘yung nasa kanto lang, mga lasing. Sabi ng [tatay ko], ‘Kita niyo ‘yun, kapag ‘yan hindi kayang kantahin ang kanta niyo, hindi sisikat ‘yan.’ So naisip ko, gagawa ako ng kanta tungkol sa inuman, pero dahil hindi ako umiinom ng beer sa totoong buhay, mas tungkol sa pag-ibig ‘yung song talaga.”
“‘Yung plano namin noon is gumawa ng kundiman na gagawin ng banda, tapos ‘ayun ‘yung lumabas na tunog,” chika pa niya.
Ang limited merch na craft beers ng banda ay opisyal na ila-launch sa publiko sa darating na July 13 at may inihanda silang music show kasama ang ilang music artists kabilang na sina Ebe Dancel, Ciudad, Blaster, at The Revisors.
“Gumawa kami ng 500 cans per variant kasi ‘yun ‘yung minimum. Tapos binebenta namin siya in six packs kasi gusto namin siya sabay matikman ng tao ‘yung BEER at PAG-IBIG. So limited siya and available siya sa website namin,” wika ni Kelvin.
Ang special event ay mangyayari sa 123 Block sa Mandaluyong City sa darating na July 13, simula 6 p.m.
Ang entrance fee sa event ay P999 para sa dalawang tao na at may kasama na itong anim na beers.
Mabibili ang tickets sa website na ito: bit.ly/beeropagibig
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.