GUSTONG patawan ng parusang “persona non grata” sa Palawan ang mga social media personality na sina Rendon Labador at Rosmar Tan Pamulaklakin.
Ayon sa isang miyembro ng Sangguniang Bayan sa Coron, Palawan, gumawa na sila ng resolusyon para maipadeklarang “persona non grata” sina Rendon at Rosmar sa kanilang probinsya.
Baka Bet Mo: Rosmar Tan ‘pinakamalakas’ maging ninang, nagregalo ng kalahating milyon sa bagong kasal
Ito’y may kinalaman sa naganap na charity event sa naturang lugar na pinangunahan nga ng dalawang nabanggit na personalidad bilang bahagi ng “Team Malakas”.
Nagalit kasi sina Redon at Rosmar sa nabasa nilang rant ng isang Jho Cayabyab Trinidad kung saan inakusahan sila ng panggagamit sa mga tagaroon para makahamig ng views sa kanilang mga social media accounts.
Inireklamo rin ni Jho sa kanyang Facebook post ang grupo nina Rendon dahil wala man lang daw iniabot na ayuda ang mga ito sa mga kasamahan niya na tumulong at nag-assist sa event.
Dahil dito, kinompronta umano nina Rendon at Rosmar si Jho na isa palang staff sa munisipyo, sa mismong opisina ni Coron Mayor Marjo Reyes.
Sa isang video na napanood namin, makikitang sinisigawan at dinuru-duro ni Rendon ang babaeng staff na kalmado lamang habang nangyayari ang insidente.
Sa huli, napilitan na ring humingi ng paumanhin si Jho sa dalawang social media personality, na makikita rin sa video.
Baka Bet Mo: Zeinab Harake, Rabiya Mateo ‘tinawanan’ si Rosmar Tan: ‘Tinatanggalan n’yo na ba talaga kami ng karapatan matawa?’
Kasunod nito, mababasa naman sa Facebook post ng isang nagngangalang John Patrick Reyes, isa sa mga miyembro ng municipal council ng Coron, ang resolusyon kaugnay ng deklarasyon ng “persona non grata” kina Rendon at Rosmar dahil sa nangyari.
“RESOLVED, as it is hereby RESOLVED, to declare Rendon Labador, Rosemarie Tan Pamulaklakin a.k.a. Rosmar and Marki Tan as persona non-grata in the Municipality of Coron, Palawan for their disrespectful behavior, negative publicity, incitement to conflict, and violation of Republic Act No. 10951, also known as the ‘Property and Damage Penalty Adjustment Act’; Article 153 of the Revised Penal Code; and Republic Act No. 11313, also known as the ‘Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law).'”
“Coronians, eto na po ang resolution na ihahain sa next regular session declaring ‘Rosmar’ and Rendon Labador persona non-grata in the municipality of Coron,” sabi pa ng municipal council member.
Nagbigay din siya ng mensahe sa kanyang kababayan na sinigawan nina Rendon, “Jho Cayabyab Trinidad I suggest mag reklamo sa sa appropriate venues/agencies against these people.
“I would like to strongly recommend to my fellow legislators, VM Ashian and Mayor Marjo; that we provide Ms. Jho Cayabyab Trinidad with whatever assistance she needs should she decide to file appropriate charges against Labador and ‘Rosmar,’” sabi pa niya.
Samantala, sa isa pa niyang FB post, sinabi ni Reyes na pinaiimbestigahan na ng Mayor’s Office sa Coron ang nasabing insidente.
“Binigyang-diin ng Punong Bayan na hindi siya nasiyahan sa naganap na insidente sa kanyang opisina lalo na’t wala siya sa lugar ng mga oras na iyon.
“Inatasan niya ang nasabing departamento na ikalap ang lahat ng mga dokumento, opisyal na mga reklamo at mga viral videos para sa mga susunod na hakbangin at aksyon na gagawin,” ang bahagi ng official statement mula sa tanggapan ng alkalde.
Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag nina Rendon at Rosmar hinggil sa nasabing kontrobersiya.