3 babae sinapak ng lalaki sa Cebu City, galit daw sa magaganda
SINAPAK at pinagsasampal umano ng isang lalaki ang tatlong kababaihan sa magkakahiwalay na insidente sa Cebu City.
Ang dahilan ng naturang pananakit – ayaw na ayaw daw ng suspek na nakakakita ng magagandang babae.
Ayon sa ulat ng pulisya, bigla na lamang daw sinasaktan ng lalaking suspek ang mga babaeng nasasalubong niya pero walang nabanggit kung bakit ganu’n na lang ang galit nito sa magagandang babae.
Baka Bet Mo: Richard 3 babae ang minahal nang sabay-sabay; may isang role na pinagsisihan kung bakit niya ginawa…ano kaya yun?
“Sinasampal niya dahil maganda raw. Peke raw ang mga mukha nila,” ang pahayag ni Police Major Mark Don Alfred Leanza, ang hepe ng Police Station 2, Cebu City Police Office, sa interview ng GMA TV Balitang Bisdak.
Sabi pa ng opisyal ng PNP sa isang hiwalay na panayam, “Upon verification and upon interview doon sa suspek natin, ang sinabi niya lang din is, hindi daw niya gusto na nakakakita ng maganda.
“Yun ang partikular na sinabi niya,” pahayag pa ni Leanza.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nagtamo ng mga sugat sa mukha at black eye ang mga nabiktima ng suspek.
Naglalakad umano sa Osmeña Street ang unang biktima habang pauwi na sa kanilang bahay nang bigla na lang siyang suntukin ng suspek sa ilong. Duguan ang mukha ng babae at damit ng babae.
Sinapak naman ng suspek ang ikalawa niyang biktima sa Jacosalem Street na
nangitim ang palibot ng mata dahil sa tindi ng ginawa sa kanya ng lalaki.
Ang ikatlong biktima naman ay nagdya-jogging daw sa may B. Rodriguez Street nang sapakin ng suspek sa mata. Nagka-black eye rin ito.
Sa isinagawang follow-up operation ng Police Station 2 ng Cebu City Police Office, base na rin sa isinampang reklamo ng mga biktima ay agad na naaresto ang 37-anyos na suspek.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng pulisya kung may problema sa pag-iisip ang suspek. Kasong multiple physical injuries ang isinampa laban sa lalaki.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.