MAS pasabog at mas bongga ang magaganap na Puregold CinePanalo Film Festival sa susunod na taon.
Lalo pang itotodo ng supermarket chain ang adbokasiyang kampanya nito sa pamamagitan ng paghahandog ng pinakamalalaking grant para sa produksyon ng mga full-length na pelikula sa Pilipinas.
Para sa 2025 Puregold CinePanalo, tumataginting na P3,000,000 ang film production grant na ibibigay sa pitong propesyonal at baguhang direktor, habang 25 na estudyanteng filmmaker naman ang tatanggap ng P150,000 short film production grant.
Ayon sa festival director na si Chris Cahilig, bukas na ang aplikasyon para sa mga nangangarap na sumali sa nalalapit na festival line-up.
Baka Bet Mo: CinePanalo Film Festival babandera na sa 2024, bukas sa lahat ng direktor, talentadong estudyante
Ang huling araw ng pagsusumite para sa mga full-length direktor ay Hulyo 15, 2024. Para naman sa mga student director sa short film category, Agosto 15, 2024 ang huling araw ng pagpapasa.
“Pagkatapos ng matagumpay na unang takbo ng festival noong Marso, ikinagagalak naming nakapag-iwan ang Puregold ng tatak sa industriya ng pelikula sa Pilipinas,” sabi ni Vincent Co, Presidente ng naturang supermarket chain.
“Layunin naming ipagpatuloy ito para sa ikabubuti ng mga Pilipinong lumilikha ng pelikula. Ngayong taon, hinahamon namin ang mga filmmaker na lumagpas sa kakayahan, magtalakay ng mga bagong paksa habang iniaangat ang halagahan at kulturang Pilipino,” aniya pa.
May dalawang kategorya ang CinePanalo: short film para sa mga mag-aaral at full-length film para sa mga baguhan at propesyonal na direktor.
Hindi katulad ng naunang festival, itinatakda ng CinePanalo organizers na kailangang kumpletong screenplay na ang isumite, upang matukoy ng Selection Committee ang pinakamahusay at kahanay ng tema ng festival.
Maaaring sagutan ang aplikasyon sa link na ito: https://forms.gle/wNUUQ62okYcyW5r37.
Ang lahat ng kuwento ay dapat na nagbibigay-inspirasyon at nakasentro sa temang “Mga Kwentong Panalo ng Buhay.”
“Naghahanap kami ng bagong perspektibo sa paglikha ng mga naratibo. Nais ng CinePanalo na maging plataporma para sa mga lokal na artista na hamunin ang kanilang mga sarili at maging mas matapang.
“Hangad naming itampok ang mahuhusay na pelikulang Pilipino sa nasyonal at global na entablado,” sabi ni senior marketing manager at direktor ng festival na si Ivy Hayagan-Piedad ang kahalagahan ng temang ito.
Baka Bet Mo: JK nag-promise kay Dia Maté, itotodo ang suporta sa Miss Universe PH 2024
May maximum runtime na 20 minuto ang mga student short, habang 90 minuto naman ang minimum na haba ng mga full-length na pelikula.
Itatanghal ang lahat ng mga nanalong pelikula sa isang film festival sa Marso 14-25, 2025, sa Gateway Cinemas. Kwalipikadong manalo ang lahat ng pelikula sa CinePanalo Awards Night, na magaganap sa Marso 19, 2025.
Sa unang taon ng CinePanalo, itinampok ang mga pelikula nina Kurt Soberano, Sigrid Bernardo, Joel Ferrer, at iba pa. Lumikha naman ng mga student short ang mga batang filmmaker mula sa UP Diliman, Polytechnic University of the Philippines, University of Santo Tomas, at iba pang mga paaralan sa buong bansa.