WISHING at hoping ang celebrity mom na si Angelica Panganiban na makaka-recover na siya mula sa kanyang bone disease.
Para sa mga hindi aware, ang aktres ay mayroong “avascular necrosis” o “bone death.”
Ayon sa academic medical center na Mayo Clinic, ito ay tinatawag ding “osteonecrosis” na kung saan ay namamatay ang bone tissue dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo na maaaring humantong sa maliliit na pagkasira ng buto at maging sanhi ng pagbagsak ng buto.
Kamakailan lang, ibinandera ni Angelica sa YouTube channel ng The Homans ang kanyang pagiging “single parent” habang ang kanyang mister na si Gregg Homan ay abala sa isang business trip.
Mapapanood sa vlog na talaga namang hands-on ang aktres sa kanyang baby na si Amila pagdating sa pag-aalaga at pag-aaruga sa buong araw na silang dalawa lang ang naiwan sa bahay.
Baka Bet Mo: Angelica sa Patron Saint of Broken Hearted title: Sino gusto ng korona?
Bago matapos ang video, sinabi ng aktres: “It’s a very very productive day for me and Bean, so ang ending sobrang sakit ng hips ko.”
“Iika na akong maglakad. Meron lang talagang limit ‘yung hips ko, legs ko, likod ko—parang ilang steps lang siya,” patuloy niya.
Nalulungkot si Angelica dahil may limit lang daw siya na hanggang 1,000 steps per day kumpara noon na kayang-kaya niya ang 10,000 steps.
Nabanggit din niya na as much as possible ay ayaw niyang sumailalim sa hip-replacement surgery.
“Nakakaloka, pero sana magtuloy-tuloy ang recovery ko dahil iniiwasan nating magkaroon ng hip replacement,” wika niya sa video.
Dagdag niya, “But, kung ano talaga ang gusto ng Panginoon, kung ‘yun ang gusto ng Panginoon. Lahat ‘yan may ibig sabihin; kung bakit ito nangyayari sa atin, ‘di ba?”
Kung matatandaan, last year ng Nobyembre nang unang mag-open up si Angelica tungkol sa kanyang health condition.
Sinabi pa nga niya noon na ito ang dahilan kung bakit nakararanas siya ng severe pain sa bahagi ng kanyang balakang.
Nag-umpisa, aniya, siyang makaranas ng sintomas ilang buwan habang ipinagbubuntis ang first baby nila ni Gregg.