MISMONG kasal nina Billy Crawford at Coleen Garcia sa Balesin nang makaranas ng matinding depresyon ang Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda.
Ito rin yung time na muntik na silang mag-away ni Billy dahil ayaw na niyang pumunta sa wedding ng TV host-singer at ni Coleen.
Alam naman ng lahat na mag-BFF sina Vice at Billy pero nagkaroon nga sila ng tampuhan noon at nagkabati sa anniversary episode ng “It’s Showtime” noong November, 2023.
Baka Bet Mo: Billy ibinuking si Coleen: Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil kuripot ang asawa ko!
Kung hindi kami nagkakamali, mas lalo pang umingay ang isyu sa pagitan ng dalawang magkaibigan nang mawala si Billy sa “Showtime” at lumipat sa noontime show ng TV5 na “Lunch Out Loud” o “LOL.” Pero all’s well that ends well na nga ang drama ng magkaibigan.
Sa latest vlog ni Vice sa YouTube, ni-reveal ng Kapamilya comedian ang ilang detalye sa muntik nilang pag-aaway ni Billy taong 2018. Guest ni Vice si Erik Santos sa bago niyang content.
Nag-open up si Erik tungkol sa na-feel niyang kalungkutan dahil ikinakasal na ang kanyang mga kaibigan at parang napag-iiwanan na raw siya.
Dito na nga naikuwento ni Vice ang nangyari sa kasal nina Billy at Coleen noong April 20, 2018 sa Balesin. Aniya, nakaka-relate siya sa pakiramdam ni Erik.
Baka Bet Mo: Sina Sarah at John Lloyd mismo ang napaplano para sa kanilang reunion project, Popsters abangers na
“Na-experience ko yan dati nung unti-unti na silang nagpapakasal, sina Karyle, sina Anne (Curtis), sina Billy…masaya ka para sa kanila, pero malungkot ka para sa sarili mo.
“Nu’ng kasal ni Billy, muntik kaming magkagalit, magkatampuhan. Kasi last minute, pinasok ako ng depression,” ang pag-amin ni Vice.
“Yun yung time na unti-unting nade-develop yung depression ko, tapos nalulungkot ako. Tapos yung natatakot ako sa papalapit na kasal ni Billy dahil lalo akong nalulungkot,” pagbabahagi ni Vice.
Sabi ng TV host, feeling din niya ay napag-iiwanan na siya ng mga kaibigan. Tanong niya raw sa sarili, “Forever na ba akong single? Forever na ba akong mag-isa? Hindi na ba ako mamahalin ever?
“’Tapos hindi na ako pupunta sa kasal niya. Parang bukas yung kasal niya, ‘tapos today nag-text ako sa kanya, ‘I won’t make it.’
“Nagalit talaga siya. Nagalit siya (Billy). Tapos hanggang ang dami kong alibi, na wala na akong masasakyang eroplano,” kuwento pa ni Vice.
In fairness, kinarir daw ni Billy ang paghahanap ng eroplanong masasakyan ni Vice patungong Balesin, “Inayos niya lahat para lang makapunta ako.
“Tapos sabi niya, ‘Kung ayaw mong pumunta mismo sa wedding, at least, nandon ka lang sa Balesin. Kung ayaw mong panoorin yung ceremony, at least, doon ka lang Balesin.’
“After the ceremony, sobra na akong nalungkot, dumiretso ako sa kuwarto,” pag-alala pa ni Vice.
Kasunod nito, dinamayan daw siya ng celebrity power couple na sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid na naroon din sa kasal nina Billy at Coleen. Dito rin daw siya naging super close sa mag-asawa.
Sey ni Vice, “Kasi hinahanap nila ako. Tapos sabi nila, ‘Si Bakla nasa taas. Ayaw bumaba.’ Inakyat nila ako.
“Tapos habang nagdarasal na sila for me at nagkukuwentuhan kami, biglang si Regine kailangan nang bumaba kasi kakanta na siya ng ‘Araw-Gabi.’
“E, hindi ko puwedeng hindi marinig si Regine kaya bumaba ako para lang marinig ko si Regine,” aniya pa.
Binalikan din niya ang naging advice sa kanya ni Ogie, “Habang buhay ko na di makakalimutan yung sinabi ni Ogie na, ‘Huwag kang malulungkot. Huwag kang matatakot. Pilitin mong huwag ma-stress.
“Pilitin mong labanan yung nangyayari sa utak mo.’ Kasi sinasabi niya, ‘The mind is the playground of the devil.’
“Sabi niya, ‘Ang daming bagay na magagandang nangyayari sa buhay mo. Ang daming nagmamahal sa yo. Ang daming pag-ibig sa puso mo na puwede mong i-share.
“‘Pero hindi mo nararamdaman yung beauty non at saya non kasi yung demonyo pinaglalaruan ang utak mo.’
“Doon na-develop yung very strong bond and friendship namin nila Regine at saka ni Ogie,” sabi ni Vice Ganda.
Sa ngayon ay super happy na si Vice sa piling ng kanyang asawang si Ion Perez. Ikinasal sila sa Las Vegas, Nevada, noong 2021.