KINAKAYA ng actor-public servant na si Ejay Falcon na pagsabayin ang kanyang trabaho as vice-governor at bilang artista.
Ine-enjoy ngayon ni Ejay ang pagseserbisyo-publiko sa mga kababayan niya sa Oriental Mindoro at ang first love niya bago siya naging politiko – ang akting.
Pero ayon sa aktor, mas marami pa rin naman siyang oras na inilalaan sa pagiging vice-governor kesa sa paggawa ng pelikula at teleserye.
At sa gitna ng kanyang super busy schedule, masaya rin niyang ibinalita na malapit na niyang matapos ang pag-aaral ng special course na Political Science major in Local Governance sa University of Makati.
Baka Bet Mo: Ejay Falcon inalala ang pagiging kargador sa Mindoro; tuloy na ang pagtakbo sa 2022?
“Kaya pag weekends ako, sa mga hindi nakakaalam, ang dami kong invitations na hindi napupuntahan sa amin.
“Kasi nasa Manila talaga ako nun, Friday hanggang Sunday. So yun, yun yung schooling,” ang pahayag ni Ejay nang makapanayam namin sa isang event ng Beautederm Corporation sa Angeles City.
Pero bakit nga ba Political Science major in Local Governance ang kinuha niya, paghahanda na ba ito sa pagsabak niya sa mas mataas na posisyon?
“E, ganu’n naman tayo, di ba? Ako, for example, balikan muna natin ang showbiz, Pinoy Big Brother.
“Nu’ng nanalo ako ng Pinoy Big Brother (Teen Edition Plus, 2008), siguro pina-realize sa akin ng Diyos na, ‘O, tinulungan na kitang makapasok diyan.
“Pagdating diyan, kailangan mong pag-aralan lahat yan para maka-survive ka, and para alam mo kung paano ang gagawin sa pinasok mong propesyon.’
“So, ganu’n ang ginawa ko. Pagkapanalo ko ng Pinoy Big Brother, kailangan mong mag-aral umarte, mag-workshop.
Baka Bet Mo: Ejay Falcon, Jana Roxas excited nang ikasal sa March 25: ‘Matagal namin itong hinintay at plinano’’
“Ganu’n din naman sa lahat ng bagay. So, marami naman, may time naman, and kaya naman ng panahon. Minsan tatanungin lang kung kaya ng katawan mo. Buti na lang, medyo bata pa po ako,” paliwanag ni Ejay.
Patuloy pa niya, “So, kaya ko namang pagsabay-sabayin yung kahit nandu’n ako sa Mindoro, luluwas ako para du’n sa schooling ko.
“Nagagawa ko naman. And ang hirap naman kasi na nandun ka na… ako kasi, naniniwala ako na hindi naman natatapos yung pag-aaral, e.
“Parang every day ng buhay mo, andami mong natututunan. Du’n sa province namin, andami kong natutunan. And yung mga mentor ko rin dun, nakakatulong din sa akin. Pero iba pa rin yung pumupunta ka sa eskuwelahan,” aniya pa.
Sineseryoso rin ni Vice Gov. Ejay ang pagiging public servant and at the same time nae-enjoy din niya ang kanyang trabaho, “E, nandito na ako, so binigay ng tao.
“Tao yung nagsabi…hindi ko naman pinilit yung sarili ko para dito. Hindi po talaga. May mga pintuan lang na nagbukas,” dagdag niya.
Sa tanong kung plano na ba niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno, “One at a time. Kasi, sabi ko nga, masarap mangarap pero huwag nating pinipilit at huwag nating minamadali lahat ng bagay.
“So, ano naman, e, parang ganu’n. Di ba, pag artista ka, ganu’n din, sa lahat ng bagay naman. Kapag artista ka, gusto mo, maging best actor ka. Level up. Gusto mong mag-level up. Gusto mo, mas mature yung role.
“From dating ikaw ay para kang pa-cute, pa-cute, wholesome, gusto mo naman, parang action na sexy ang gusto mo. Grey characters.
“So, parang ganu’n din sa politics. Ganu’n din naman, ganu’n din. Kasi, ansarap din yung alam mong may mas magagawa ka sa ganitong propesyon,” aniya.
Tatakbo ba siyang congressman? “Lahat po ng bagay, pinag-iisipan ko. Lahat naman.”
Sa 2025 midterm elections ba ay tatakbo siya sa mas mataas na posisyon? “Actually, ang vice-governor ay mataas na posisyon.”
Sundot na tanong, baka governor na ang tatakbuhin niya, “Hindi po, hindi ganu’n. Hindi governor. Malayo pa, malayo pa po.”
“And siyempre, maraming consideration. Marami pong consideration yan. Ang pulitika ay maraming consideration.
“Siyempre yung kapartido mo, yung mga kasama mo. Siyempre pinag-uusapan naman yan kung saan ka mas kailangan, kung saan ka mas may magagawa. Du’n po tayo,” dagdag niya.
Tinanong din namin siya kung may nag-offer na ba sa kanya para tumakbong congressman o senador sa next elections.
Sey ni Ejay, “Actually, wala pong nag-o-offer. Kumbaga, ano yan, e, desisyon mo sa sarili yan. And pag feeling mo, mas may magagawa ka du’n sa posisyon na yon, mas marami kang magagawa, talagang marami kang matutulungan. And then yun, kailangan mong gawin.”