Cedric Lee nasa New Bilibid Prison na, isa pang akusado hinahanap pa

Cedric Lee nasa New Bilibid Prison na, isa pang akusado hinahanap pa

PHOTO from Bureau of Corrections

DINALA at ikinulong na sa New Bilibid Prison (NBP) ang negosyanteng si Cedric Lee.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), na-turn over si Lee ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Biyernes, May 4, ng gabi.

Magugunitang naunang dinala sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ang model na si Deniece Cornejo, habang ang isa pang dawit na si Simeon Raz ay nasa Reception and Diagnostic Center ng NBP.

Ang tatlo, kasama ang isa pang akusado na si Ferdinand Guerrero ay sinentensyahan ng 40 years na pagkakakulong ng Taguig Regional Trial Court 153 noong May 2.

Bukod pa riyan ay kanselado na rin ang kanilang bail bond, ngunit maaari pa rin naman nilang iapela ang naging desisyon ng korte.

Baka Bet Mo: Mga bahagi ng katawan ng tao natagpuan sa septic tank ng Bilibid

Noong May 2, boluntaryong sumuko si Lee na kinumpirma ni NBI Director Manardo de Lemos matapos tanungin ng INQUIRER.net.

Si Guerrero naman ay kasalukuyan pang hinahanap ng mga awtoridad.

Kung matatandaan, ang kasong serious illegal detention for ransom na isinampa sa kanila ng TV host-actor na si Vhong Navarro ay nag-ugat sa pambubugbog, paggapos, pananakot at pagditine sa kanya sa condo unit ni Deniece sa Taguig City noong January 2014.

Maaalala rin na nauna nang hinatulan ng guilty sina Cedric at Deniece para sa kasong grave coercion na isinampa rin ni Vhong kaugnay pa rin sa naturang insidente.

Grateful naman ang aktor sa inilabas na desisyon ng korte laban sa apat na akusado.

Sa programang “It’s Showtime,” sinabi ng TV host na masaya siya dahil matagal na niyang inaantay na makamit ang hustisyang ito.

Kasunod niyan ay pinasalamatan din ni Vhong ang Taguig RTC, kanyang legal team sa pamumuno naman ni Atty. Mallonga, ABS-CBN family, mga tagahanga, pati ang kanyang asawa na si Tanya Bautista at mga anak nitong sina Bruce at Yce.

Read more...