NAPURUHAN ang isang paa ng actor-public servant na si Sen. Bong Revila habang nasa shooting ng bago niyang pelikula, ang “Alyas Pogi 4.”
Naospital ang senador dahil sa pagkapunit ng kanyang Achilles tendon nang gawin ang isang maaksyong eksena sa sinu-shoot nilang pelikula.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook page, nag-live si Bong kagabi, para ipaalam sa kanyang mga supporters at social media followers ang kanyang kundisyon.
Baka Bet Mo: 2 kasong isinampa laban kay Jomari Yllana ng dating dyowa ibinasura
Makikita ang mister ni Lani Mercado na nakahiga sa kanyang hospital bed habang nagkukuwento sa kinasangkutang aksidente sa kanilang shooting.
Kasabay nito, humiling siya ng dasal sa publiko dahil baka raw kailangan siyang operahan para sa kanyang napunit na Achilles tendon.
Kuwento pa ng senador, naganap ang insidente habang kinukunan ang isa niyang action scene sa first shooting day ng “Alyas Pogi 4” kung saan kinailangan niyang tumakbo nang mabilis.
“Yung aking Achilles tendon, e, medyo may partial tear kaya kailangan ng operation.
“First day ko ng Alyas Pogi 4, kasama si Ara Mina at Epy Quizon.
“You know, may mga pangyayari na hindi mo maiiwasan kaya mangyayari talaga yon,” ang pahayag ni Sen. Bong habang nakaratay sa isang ospital sa Taguig City.
“Basta importante, ipagdasal nyo po na hindi naman ganoon grabe.
Baka Bet Mo: Alfred Vargas super proud tatay nang makakuha ng medal ang anak sa swimming competition
“Pero na-MRI na po ako kanina at sinabi nga ng doktor na fifty percent ng aking Achilles heel, e, na-tear dahil sa pagtakbo. Dahil sa sobrang bilis ko raw tumakbo.
“Yun ang sinasabing na hindi na tayo bumabata, tumatanda na, but I am okay. Yun nga lang, yung healing time, medyo matagal-tagal.
“After the operation, medyo three to five months ang healing,” pagbabahagi pa niya.
“Nakakainis,” ang dismayado pang sabi ng veteran actor dahil nga siguradong apektado na ang lahat ng schedule niya dahil sa nangyari.
Anumang oras mula ngayon ay sasailalim din si Bong sa mga blood test upang malaman ng mga doktor kung maaari na siyang maoperahan.