Final answer na raw: Willie hindi na tatakbong senador o mayor ng Q.C.
Tuluyan nang tinuldukan ni Willie Revillame ang kanyang kapalaran sa mundo ng politika. Matagal na panahon din siyang niligawan ng mga kilalang politiko sa Quezon City para tumakbong mayor pero nakinig lang siya.
Pagkatapos nang mahabang panahon ng pakikinig, nu’ng nakaraang linggo ay nagbitiw na siya ng salita, maraming salamat na lang sa tiwala at paniniwala pero hindi siya ipinanganak para tumakbo sa kahit anong posisyon.
Magandang desisyon. Ikinatuwa ng kanyang staff ang kanyang paninindigang hindi pagtakbo, nagbunyi rin ang kanyang mga tagasubaybay, ginawa niya ang pagbibigay ng pahayag bago nagsimula ang taping ng Wowowin.
“Maraming lumapit sa akin. Ako naman, marespeto ako sa ganyan. Basta, nakinig lang ako sa mga sinasabi nila, diniretso ko naman sila na kung ako ang tatanungin, wala talaga akong alam sa mundo nila.
“So, binalanse ko ang lahat, nag-decide ako na huwag nang magbago ng mundo ko. Sa entertainment ako nagsimula, sa pagpapasaya ng mga kababayan natin, dito na nakabaon ang mga paa ko. Ito na ang mundong tumanggap sa akin nang dalawang kamay, kaya hindi ko sila iiwan,” sinserong komento ng sikat na aktor-TV host.
Nakapaglilingkod nga naman tayo nang walang upuan sa gobyerno. Naibibigay ni Willie Revillame ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa abot ng kanyang makakaya sa pamamagitan ng kanyang show.
Merong tinatawag na destiny sa mundo ng politika. Para sa kanila ‘yun. Hindi para kay Willie Revilame na inilaan na ang buong buhay niya sa pagpapasaya sa masang Pinoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.