GAYA ng inaasahan, kinuha ng Barangay Ginebra San Miguel bilang top pick overall ng 2013 PBA Rookie Draft ang 7-footer na si Gregory Slaughter kahapon sa Robinson’s Place Manila.
Pinalakas nang husto ng Gin Kings ang kanilang frontline dahil kinuha din nila ang 6-8 Fil-Hawaiian center na si John Usita sa fourth round.
Sina Slaughter at Usita ay makakatuwang ni Japhet Aguilar sa frontline ng Gin Kings.Bukod sa dalawang higanteng ito, nakuha din ng Gin Kings bilang No. 4 pick overall ang Fil-Canadian na si James Forrester ng Arellano University.
Upang makuha si Forrester sa No.4 ay ipinamigay ng Ginebra sa Barako Bull sina William Wilson at Rico Maierhofer.
“Lumakas ang frontline namin and we will be very competitive in the season to open,” ani Ginebra coach Renato Agustin.
“Nakita ko namang maglaro sina Slaughter at Forrester and I believe they will be good additions to the team,” dagdag ni Agustin.
Hindi na rin nanggulat ang San Mig Coffee at Rain Or Shine sa first round.
Kinuha ng Mixers bilang No.2 pick si Ian Sangalang samantalang dinagit ng Rain or Shine sa No. 3 si Raymund Almazan.
Matapos mapili ng Gin Kings si Forrester ay dumaklot naman ng tatlong picks ang GlobalPort sa pamamagitan ng trade.
Kinuha ng Batang Pier ang Far Eastern University guards na sina Terrence Romeo at RR Garcia bilang No. 5 at No. 6. Ibinilang din nila sa line-up ang sentrong si Isaac Holstein na pinili bilang No. 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.