Viva La Soledad! Tayo na sa Comelon! | Bandera

Viva La Soledad! Tayo na sa Comelon!

Ige Ramos - November 04, 2013 - 01:52 PM

Mas magiging masaya sa Cavite City sa papasok na linggong ito dahil sa padiriwang ng kapistahan ng kanilang patron, ang Nuestra Señora de la Soledad de Porta Vaga.

Magarbo ang paghahanda ng mga Caviteño para sa nasabing pista. Ayon sa aking Tiya Puring Ballesteros, dating guro at local historian ng lunsod, tatlong linggo kung ito ay ipagdiwang.

Ang ikalawang Linggo ng Nobyembre ay tinatawag na pista para sa mga bisita. Ang ikatlong Linggo naman ay pista para sa mga taga-Cavite.

Samantalang ang susunod na Linggo ay ang fiesta de las candelarias o pista para sa mga nagbebenta ng kandila.
Hindi mawawala sa handaan ang lechon, menudo, mechado, morcon at embotido.

Isama mo na rin ang kare-kare, adobo at afritada. Ang mga panghimagas na buko-fruit salad, leche flan, halayang ube ay meron din. Pero ito’y mga pagkaing pambisita dahil ang mga Caviteño ay malihim sa kanilang kinagisnang pagkain.

Pero kung wala kayong kakilalang makakainan, maaari kayong magtungo sa Asiong’s Cafe and Carinderia na matatagpuan sa 712 P. Paterno st., Caridad, Cavite City, upa-ng matikman ang mga natatanging lutong-Caviteño tulad ng pancit pusit, adobong pula, kilawin at kare-kare.

Nandiyan din ang Jenette’s Cafe sa Molina st., kung saan walang kasing-sarap ang tortang giniling at pansate o pancit na may samyo ng curry.

Maaari ring bisitahin ang Rachies para sa kanilang pancit luglog at ang Asao para sa kanilang pancit guisado at pancit puso ng saging.

Kung orig burger ang inyong hanap, sa Flames Burger kayo magtungo, kung saan kasama sa menu ang dambuhalang hamburger.

Isa sa mga tampok na lutuin ng Cavite City ang tamales. Ito ay may sangkap na giniling na mani at bigas, niluto na parang adobo at may mga hibla ng manok, itlog at garbanzos.

Mahirap itong lutuin dahil sa dami ng hakbang at proseso. Maaaring makabili nito sa Robinson’s Tamales na matatagpuan sa San Antonio, Cavite City.

Ang pangunahing restaurant ng lunsod ay ang Chefoo. Walang taga-Cavite ang hindi nakakain doon. Bagamat Chinese food ang kanilang specialty, mabenta rin ang kanilang pagkaing Kastila tulad ng camaron rellenado o hipon na binalot ng giniling na karne na sinasawsaw sa tamis-anghang na sauce; menudencia con casuy, na parang chopsuey ang pagkakaluto ngunit may halong lamang-loob at kasuy;  lapu-lapu agri o dulce–fillet ng lapu-lapu sa sweet and sour sauce, at arroz tostado o sinangag.

Sa Carinderia ni Aling Ika sa loob ng palengke ng Cavite City ay may masarap na lumpiang fresco (lumpiang sariwa). Ito ay may sangkap na patatas at kamote na hiniwang pakwadrado, toge, habichuelas, sigarillas, patani, hipon, at katas na galing sa dinikdik na ulo ng hipon.

Ginigisa ito sa mantika at achuete. Kaya laging mapula ang mga ulam ng Caviteño dahil sa achuete. Pagkaluto, ito ay binabalot na may kasamang lechugas at sinasalinan ng salsa na gawa sa katas ng dinikdik na ulo ng hipon, mani at toyo, binubudburan ng dinurog na chicharon.

Sa panghimagas– pamutat sa mga Caviteño–bibingkoy, maja blanca, maja calabasa at maja ube ang pambato ni Aling Ika.
Bibingkang Samala na gawa sa malagkit at tinustang pinipig naman ang pinasikat ng Pat and Sam’s.

Mayroon din silang single-serve na sapin-sapin na maaaring mabili sa kanilang tindahan sa Padre Pio, Caridad. Ang pinakabagong restaurant sa Cavite City ay ang Doña Felisa na naghahain din ng mga native food.

Hindi kumpleto ang kapistahan kung walang peryahan. Matatagpuan ang perya na may mga tradisyonal na tsubibo sa harapan ng palengke. May tampok na tianggian sa Gov. Samonte Park kung saan ay makakabili ka ng mga murang kagamitan.

Naroon din ang “comelon,” isang malaking kainan na tampok ang mga food stalls ng masasarap na pagkain. Sinisikap ng bagong pamunuan ng lunsod ng Cavite sa pangunguna ni Mayor Toti Paredes na pasiglahin ang ekonomiya sa pamamagitan ng turismo upang manumbalik ang ningning at sigla ng lungsod.

Sa tulong ng mga Cavite Tourism officers sina Dr. Ramil Ildefonso Badajos at ng dating public school teacher ng Division of Cavite, Mrs. Remedios Ordoñes, kanilang binubuo ang programang pang-turismo sa darating na taon. Halina at makisalo sa pista ng Cavite City.

(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito?   May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera?  I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)

 

Ang palatuntunan ng simbahan sa darating  na kapistahan

ANTE-VISPERAS
Biyernes, Nobyembre 8
6:00 ng umaga –Santa Misa
2:00 ng hapon – Thanksgiving Rally/ Motorcade
Magtitipon sa ganap na Ika-1:00 ng hapon, Coastal Bay Subdivision
Punong Tagapagdiwang: LUBHANG KAGALANG-GALANG REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D. Obispo ng Diyosesis ng Imus

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

VISPERAS
Sabado, Nobyembre 9
6:00 ng umaga –Santa Misa
Coro: Palace Cluster Choir
9:00 ng umaga – Karakol de la Tierra (Magtitipon sa Simbahan ng San Roque)
11:00 ng umaga – Karakol del Mar
RUTA: PN Ferry Landing Pier (Fort San Felipe) patungong baybayin ng Cabuco
1:00 ng hapon – Misa Concelebrada sa Cabuco Covered Court, Caridad (Col. Novero cor. Cabuco)
Punong Tagapagdiwang: LUBHANG KAGALANG-GALANG CIRILO R. ALMARIO, JR., Obispo Emerito ng Malolos

PRIMERA FIESTA DE LA VIRGEN
Linggo, Nobyembre 10
4:00 ng umaga – Diana
5:00 ng umaga – Misa de la Reina*
6:00 ng umaga – Misa de la Reina
7:00 ng umaga – Misa de la Reina
8:00 ng umaga – Misa de la Reina
Punong Tagapagdiwang: LUBHANG KAGALANG-GALANG REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D. Obispo ng Diyosesis ng Imus
5:00 ng hapon – Misa de la Reina
Punong Tagapagdiwang: REB. PD. MICHELL JOE “JOJO” B. ZERRUDO, Kura Paroko ng Parokya ng Banal na Pamilya,  Distrito Roxas, Lungsod ng Quezon
7:00 ng gabi— Procesión de la Reina. Kasama ang lahat ng mga Cluster, Ministri at Samahan sa San Roque.
Ang Hanay ng Prusisyon ay ihahayag sa mga susunod na araw.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending