Trigger warning: sexual abuse
SA edad na 5 ay nakaranas na ang content creator at aktres na si Sachzna Laparan ng pangmomolestiya at pananakot.
Inalala ng vlogger ang ginawang kahayupan sa kanya ng isang malayong kamag-anak na inampon ng kanyang lolo at lola.
Matindi ang idinulot na trauma kay Sachzna nang mabiktima ng sexual abuse sa murang edad sa loob mismo ng sariling tahanan.
Naging emosyonal ang dalaga nang ibahagi ang madilim na bahaging ito ng kanyang buhay sa panayam ni Toni Gonzaga na napapanood sa YouTube channel nito.
Baka Bet Mo: Sachzna Laparan hiwalay na nga ba kay Jerome Ponce, tanong sa sarili: Anong kulang sa ‘kin?
Ayon sa aktres, nakatira siya noon sa bahay ng kanyang lolo at lola dahil nagtatrabaho ang kanyang nanay sa ibang bansa. Doon din daw nakitira ang taong umabuso sa kanya.
“Malayo po namin siyang kamag-anak. Ang lola ko, sobrang bait. Inampon niya, pinag-aral niya. Yung lalaki parang seventeen years old nun that time.
“Ako naman, five years old ako. E, wala akong kaalam-alam sa bahay, kasi nga bata pa. So, kung ano ang gusto niyang ipagawa, gagawin ko,” pagbabahagi ni Sachzna.
Ilang beses daw siyang minolestiya ng nasabing lalaki na nangyayari habang tulog ang kanyang lolo’t lola, “May room po ako that time, kasi nagwu-work mama ko kaya medyo okay ang buhay ko, may kanya-kanya kaming room lahat.
“Maraming beses kasing nagagawa [yung pagmumolestiya], e. Nandun yung hawak, paghipo sa private parts ko, tapos yung ari niya pinapasok niya sa bibig ko.
Baka Bet Mo: Sachzna Laparan happy na sa life ayon kay Ogie Diaz, naka-move on na kay Jerome Ponce?
“Pinakahindi ko makalilimutan, connecting kasi yung room namin, may time na umakyat siya sa bubong namin tapos may bintana doon, pinapasok niya yung bintana na yon.
“Ako, alam ko na tuwing madaling-araw, pupunta siya sa kuwarto ko. Ako naman ang ginagawa ko, pumunta naman ako sa loob ng cabinet ko.
“Doon naman may puwang dun na parang sa movie na nakikita ko siya, na hinahanap na niya ako, tapos sasabihin niya, ‘Labas ka na.’
“Noong makita niya ako, hindi naman sapilitan, dinala niya ako sa kama, tapos doon na niya ginagawa yung mga gusto niyang gawin sa akin,” pag-alala pa niya sa ginawang kahalayan ng lalaking kamag-anak.
Hindi raw siya makapagsumbong sa kanyang pamilya dahil pinagbantaan siya ng lalaki na papatayin daw ang lolo at lola.
Pagpapatuloy ni Sachzna habang umiiyak, “Tapos siya, sinasabi niya na parang, ‘Kapag sinasabi mo ito papatayin ko yung lolo at lola mo.’
“E, sila lang yung meron ako nu’n, na may ipinapakita siyang kutsilyo, ganyan, kaya lalo akong natatakot. ‘Yung mama mo hindi mo na makikita,’ ganyan.
“Yung mga yon ang hirap alisin sa memory. Lahat yon dinala ko hanggang teenager,” aniya pa.
“Late ko na nasabi sa (Mama ko), yung buo na yung family ko. Para kasing doon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob, kasi alam kong may kakampi na ako.
“Growing up kasi wala naman akong masyadong friends, awkward akong lumalaki, hindi ako marunong makipagkaibigan sa mga tao,” pagbabahagi pa ng aktres.
Ang mala-bangungot na karanasang ito ay nakaapekto sa kanyang emotional at mental health, idagdag pa ang natatanggap na pamba-bash mula sa mga netizens.
Sa katunayan, na-diagnose raw siya ng borderline personality disorder (takot maiwan at mapag-iwanan mag-isa, may trust issue, at may unstable self-image and mood) at sa ngayon ay patuloy pa rin siyang nagpapagaling at nagre-recover.
Sabi pa ng aktres, napatawad na raw niya ang taong nangmolestiya sa kanya, “Iba pa rin kapag forgiveness, hindi pa nag-sorry yung tao na yun sa akin, pero napatawad ko na siya.
“Panalo na ako doon. Napatawad ko na siya. Kasi feeling ko, kapag hindi ko siya napatawad, parang hindi ko rin napatawad yung sarili ko.
“Kahit hindi ka mag-sorry, napatawad na kita,” mensahe pa ni Sachzna.
Sa mga nais magsumbong o humingi ng tulong sa mga otoridad, narito ang hotline numbers ng mga ahensiya ng gobyerno.
National Emergency Hotline: 911
Aleng Pulis Hotline: 0919 777 7377
PNP Women and Children Protection Center
24/7 AVAWCD Office: (02) 8532-6690
Public Attorney’s Office (PAO)
Hotline: (02) 8929-9436 local 106, 107, or 159 (local “0” for operator)
Inter-Agency Council on Violence Against Women and their Children (IACVAWC): (02) 8735-1654 local 124, 09178671907, 09454558121
National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.