NAGANAP na! Yes, totoong-totoo na nga na nasa GMA 7 na rin ang “It’s Showtime” na siyang papalit sa natsuging “Tahanang Pinakamasaya“.
Napakainit ng ginawang pagtanggap ng mga Kapuso executives at ng staff ng GMA Network sa mga taga-“It’s Showtime” at mga big boss ng ABS-CBN matapos ang naganap na motorcade ngayong hapon, March 20.
Baka Bet Mo: Noontime show nina Luis at Melai papalit sa Tahanang Pinakamasaya?
Nagsimula ang motorcade mula sa ABS-CBN compound at binagtas ang ilang kalye sa Quezon City hanggang sa makarating sa building ng Kapuso Network.
Ibinandera ng GMA 7 at ABS-CBN Corporation ang kanilang makasaysayang kolaborasyon sa pagpapalabas ng “It’s Showtime” sa Kapuso Network mula Lunes hanggang Sabado, 12 noon, simula April 6, 2024.
Dumalo ang mga opisyal ng GMA at ABS-CBN kasama ang mga sikat na host ng “It’s Showtime” sa contract signing ceremony na ginanap sa GMA Studios.
Baka Bet Mo: ‘Tahanang Pinakamasaya’ tsinugi na sa GMA, ‘TictoClock’ ang ipapalit?
Pinangunahan ang event ng mga executive ng GMA Network na sina Chairman Atty. Felipe L. Gozon, President at CEO Gilberto R. Duavit, Jr., Executive Vice President at Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, at Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group at GMA Films President at CEO Atty. Annette Gozon-Valdes.
Ang mga kumatawan sa ABS-CBN ay sina Chairman Mark L. Lopez, President at CEO Carlo L. Katigbak, Chief Operating Officer Cory V. Vidanes, at Group Chief Financial Officer Rick B. Tan.
Kasama rin sa event ang mga host ng “It’s Showtime” na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Karylle, Amy Perez, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Darren, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC, Lassy, at Cianne Dominguez.
“Ang unprecedented move na ito ay patunay sa layunin ng GMA at ABS-CBN na patuloy magbigay ng mga magagandang programa at maglingkod sa bawat Pilipino.
“Malugod na pagtanggap ang ipinaabot ng GMA Network sa “It’s Showtime” at itinuturing ito bilang welcome addition sa patuloy na dumaraming programa nito para sa Kapuso viewers sa loob at labas ng bansa.
“Taos-pusong nagpapasalamat ang ABS-CBN at “It’s Showtime” sa GMA Network sa pagbubukas nito ng pinto at pagbibigay ng bagong plataporma para makapaghatid ng entertainment at saya sa mas maraming manonood sa buong bansa.
“Nagpapasalamat kami sa aming loyal viewers sa patuloy na suporta sa halos 15 taon at umaasa kaming makasama ang mga bagong manonood sa paggawa ng FUNanghalian moments sa GMA, GTV, GMA Pinoy TV, at sa iba pang platform kung saan kasalukuyang napapanood ang “It’s Showtime.”
“Maraming salamat, mga Kapamilya, mga Kapuso, at Madlang People!” ang opisyal na joint statement ng GMA at ABS-CBN.