Rio sa matinding pag-iyak sa Black Rider: Di totoong inatake ako ng hika

Rio sa matinding pag-iyak sa Black Rider: Di totoong inatake ako ng hika

Rio Locsin

TOTOONG hindi kaagad nakabitiw sa sobrang intense at madadramang eksena ang veteran actress na si Rio Locsin sa GMA series na “Black Rider.”

Ito ang dahilan kung bakit nagtuluy-tuloy ang pag-iyak ni Rio sa taping ng nasabing hit Kapuso primetime series kamakailan na nag-viral nga sa social media.

Mapapanood sa BTS (behind the scene) video ang beteranang aktres na nakayakap sa lead star ng “Black Rider” na si Kapuso Action-Drama Prince na si Ruru Madrid habang pinapakalma ng ilang production staff.

Ayon kay Rio, na-carried away daw talaga siya sa ginawa niyang eksena kasama si Ruru kaya nahirapan siyang kumawala sa kanyang karakter.

Baka Bet Mo: Chie Filomeno dinepensahan ng kapatid sa mga bashers; Dawn Chang may talak tungkol sa ‘PBB’

“Nakakabigla nga dahil parang hindi ko inaasahan ang mga lumalabas na balita. Tama po kayo, hindi ako nakabitaw agad sa napakataas na emosyon na kinakailangang ibigay sa eksena.

“Kasi apat na tuloy-tuloy na eksena na maraming namatay at isa-isa naming nakikita. Mataas na emosyon at mabigat,” ang pahayag pa ni Rio sa ulat ng GMA 7.


Hindi rin daw siya iniwan ni Ruru pagkatapos ng kanilang madadramang eksena. Nanatili raw ang aktor sa tabi niya hanggang sa maging kalmado na siya.

“Ang lahat ay nag-aalala, since senior na ako at ramdam ko ang pag-aalaga nila sa akin. Pagkatapos nu’n balik na ulit sa normal, chikahan na uli,” pagbabahagi pa ng beteranang aktres.

Nabanggit din ng aktres na palagi silang may medic sa taping para masiguro ang safety at kaligtasan ng lahat ng artistang kasama sa teleserye.

Baka Bet Mo: Rio Locsin bad trip sa mga kabataang artista na palaging nagse-cellphone sa shooting: ‘Respeto lang sa kaeksena mo, ‘di ba?’

“May mga medic kami sa set, may ambulance din. Kaya hindi totoo na walang medic na tumutulong, nagkataon lang na hindi ko naman talaga kinailangan na magpa-medic nu’ng oras na ‘yun.

“But anytime, nandiyan lang sila. Hindi rin totoo na inatake ako ng hika, wala po akong hika.

“Sa abot nang aming makakaya, kung ano ang nararamdaman namin sa eksena, kami ni Ruru, parehong damdamin at puso ang ipinaaabot namin sa mga manonood.

“Nawa’y maipaabot namin ‘yung emosyon na nararamdaman namin para sa mga eksena,” paliwanag pa ni Rio Locsin.

Read more...