Target ni Tulfo by Mon Tulfo
HINDI man lang kinonsulta ni Pangulong Noy si Justice Secretary Leila de Lima nang binigyan niya ng amnesty si Sen. Antonio Trillanes IV at mga 300 rebeldeng sundalo na sangkot sa pag-aaklas noong panahon ni Pangulong Gloria.
Dapat iginalang man lang ni P-Noy ang kanyang justice secretary, ang pinakamataas na legal mind sa executive branch.
Pangalawang sampal na kay De Lima ang hindi pagkonsulta sa kanya ni P-Noy sa pagbibigay ng amnesty.
Ang unang insulto ay nagawa nang ipinarepaso ng Pangulo ang pinaghirapan ni De Lima at ng apat pang prominenteng mga tao sa pagbuo ng IIRC report tungkol sa mga opisyal na dapat managot sa hostage fiasco sa Luneta noong Aug. 23.
Hindi kataka-taka kung magbibitiw na sa tungkulin si De Lima.
* * *
Nagtimpi si De Lima nang ipinarepaso ni Pangulong Noy ang report ng Incident Investigation Review Committee o IIRC na kanyang pinamunuan.
Balak na niyang magbitiw noon, pero nagbago siya ng isip dahil dapat ay hindi siya balat-sibuyas.
Kaya pa bang dalhin ni Justice Secretary De Lima ang pangalawang insulto sa kanya?
* * *
Kung nakalibre si Puno sa pananagutan sa hostage fiasco, bakit hindi rin ginawa ito kay Manila Mayor Alfredo Lim?
Si Puno ang pinakamataas na opisyal na humawak ng crisis group na binuo dahil sa hostage-taking na ang mga biktima ay mga Hong Kong tourists.
Ang paglilibre kina Puno at dating PNP chief Jesus Verzosa ng review panel ay kautusan ni Pangulong Noy.
Si Puno ay matalik na kaibigan ng Pangulo.
Bakit hindi na lang ibinasura ang IIRC report kung ganoon lang ang naging kinalabasan ng imbestigasyon sa hostage fiasco?
* * *
Dismayadong-dismayado ang mga piskal na humahawak sa kaso laban kay Trillanes at iba pang opisyal na sangkot sa Oakwood Mutiny at Peninsula Siege.
Nabale-wala ang kanilang pinaghirapan sa pag-prosecute kina Trillanes sa Makati Regional Trial Court.
Gumugol sila ng mahabang panahon at itinaya ang kanilang reputasyon sa pag-usig kay Trillanes na nahalal na senador habang nakakulong.
Sa mga bumoto kay Trillanes, ang mga piskal na umuusig sa kanya ay mga kontrabida.
Pero ginagawa lang naman nila ang kanilang tungkulin.
Nasayang ang pinaghirapan ng mga Department of Justice prosecutors.
* * *
Bakit kinakailangan pang makialam ang Pangulo sa imbestigasyon sa panghahalay ng isang volunteer nurse sa Maguindanao upang kumilos ang mga awtoridad?
Anong ginagawa ni PNP chief Raul Bacalzo?
Bakit hindi niya mautusan ang kanyang mga tauhan sa Maguindanao na lutasin agad ang rape case?
Hindi maganda ang ipinakikita ni Bacalzo sa Maguindanao rape case.
apat siya ay nagpapakitang-gilas dahil siya’y bagong upo bilang PNP chief.
Mahina na nga ang pinalitan niya na si Verzosa, pati siya ay patay-patay rin.
Ganoon na ba ang kultura ngayon sa PNP?
Na dapat pukpukin ang kanilang mga ulo upang sila ay kumilos?
* * *
Nakita ba ninyo ang interview ng GMA 7 news kay Negros Occidental Congressman Jules Ledesma?
Wala ba kayong napansin sa kilos ni Ledesma?
Si Ledesma ay palaging absent sa Kongreso.
Tinanong siya ng reporter kung siya’y addict?
Siyempre, pinabulaanan niya na siya’y gumagamit ng bawal na gamot.
Pero kitang-kita sa kanyang kilos at pagsasalita habang siya’y iniinterbyu na siya’y bangag sa bawal na gamot.
Siya yung aking tinukoy sa blind item dito na congressman na addict sa shabu.
Bandera, Philippine news at opinion, 101410
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.