TINALAKAN ng Kapuso TV host-comedienne na si Pokwang ang mga bashers na patuloy na nangnenega sa kanya dahil kay Lee O’Brian.
Talagang sinupalpal ni Pokey ang mga netizens na nagpapayo sa kanya na tigilan na ang pagiging bitter at mag-move on na sa paghihiwalay nila ng dati niyang live-in partner.
Ayon sa komedyana, nang dahil daw sa pagrereklamo niya sa Bureau of Immigration para ipa-deport si Lee ay maraming mga tulad niyang single mother ang nais ding magsampa ng kaso laban sa mga dati nilang partners.
Sa kanyang Instagram story, nabanggit ni Pokwang na maraming nagpapadala sa kanya ng direct message sa social media para hingin ang number ng kaniyang abogadong si Atty. Ralph Calinisan.
Resbak ng komedyana sa mga bashers, “Ngayon nyo sabihin sakin na bitter ako, mag move on na ako!
“Sa dami ng nag ask ng number ng lawyer ko mga single mom karamihan magsasampa din ng kaso sa mga ex nila! so ano yon? ano tawag don? sige invalidate pa more!” aniya pa.
Kamakailan, nag-sorry si Pokwang sa Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice (DOJ) matapos siyang maglabas ng sama ng loob sa socmed kaugnay ng isinampang deportation case laban kay Lee.
Nabalitaan niya kasing nag-file ng motion for reconsideration at motion for voluntary deportation si Lee na ikinabwisit nga ng komedyana.
Baka Bet Mo: Pokwang hindi basta-basta magpapatalo: ‘Bangon! Nanay ka at marami kang labada…para sa ikauunlad ng pamilya! Laban!’
“Humihingi po ako ng dispensa sa lahat, lalo na sa BI na pinamumunuan ni Commissioner Norman Tansingco at kay Secretary Boying Remulla na namamahala sa DOJ.
“Naniniwala po ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pasensya na po kung sa bugso ng aking damdamin, ay may mga nasasabi akong di kaaya-aya.
“Gusto ko din magpasalamat kay Atty. Rafael Calinisan at sa Calinisan Domino and Beron Law Office para sa kanilang galing at husay sa pag aasikaso ng aking kaso. Salamat sa pasensya at malasakit ninyo sa akin.
“Humihingi din ako ng paumanhin sa inyo dahil nailagay ko kayo sa alanganin dahil sa aking mga sinasabi.
“Pang huli, humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan kung ako ay naging malupit sa aking mga nabibitawang salita.
“Patawad po, at sana ay patuloy po ninyo akong suportahan sa pamamagitan ng inyong pagunawa at panalangin,” mensahe ni Pokwang.