SWERTE pa rin ang pasok ng 2024 sa Kapamilya actress na si Gillian Vicencio dahil sa sunud-sunod na projects na nakatakda niyang gawin sa mga susunod na buwan.
Pangalawang buwan pa nga lang ng taon ay feeling thankful and blessed na ang young actress dahil sa mga bonggang projects na kanyang natatanggap.
Nandiyan ang matagumpay niyang pagganap sa theater play na “Kumprontasyon” na nagkaroon ng theatrical run noong January 18, 19, 20 at 21, 2024 sa PETA Theater.
Nagsimula siyang gumanap sa teatro noong 2023 at dahil sa maganda ang naging pagtanggap ng mga regular viewers at estudyante sa bawat pagtatanghal nila ay agad nga itong nasundan pa.
Kasama rin sa naturang 3-part play ang mga batikang theater actor, kabilang na ang co-star niya sa seryeng “2 Good 2 Be True” na si Romnick Sarmenta. This is directed by Melvin Lee.
Inaasahang hindi ito ang huling pagbibida ni Gillian sa isang theater play.
Baka Bet Mo: Gillian Vicencio insecure at inggit nga ba sa mga ‘sisters’ niyang sina Belle Mariano, Alexa Ilacad at Charlie Dizon?
Isa pa sa natanggap na blessing ng dalaga ay nang mapasama siya sa mga bagong babies ni Ms. Rhea Tan, ang CEO and founder ng isa sa pinakasikat na brand pagdating sa beauty and wellness – ang Beautéderm.
Alam naman ng lahat na halos mga A-Listers at mga kilalang celebrities ang nasa roster of ambassadors and endorsers ni Ms. Rhea kaya very thankful si Gillian na mapabilang dito.
Aniya, “Sobrang masaya kasi first endorsement ko ito, nakakatuwa na kahit baguhan at hindi pa ako ganoong kakilala ay nasama at pinagkatiwalaan ako ni Mommy Rhei.
Inilabas na ang ilan sa mga photos sa page mismo ng Beautederm at masaya din ang business mogul na si Rhea dahil aminado siyang dahil sa pagganap ni Gillian bilang si Tox sa “2 Good 2 Be True” at sa pagbibida sa “Four Sisters Before The Wedding” kaya siya napabilang sa kanilang pamilya.
Balitang ilalagay din sa mga billboard ang pictures ni Gillian na kinunan sa ginanap na campaign shoot kamakailan.
Samantala, kabilang din ang Kapamilya actress sa mga ipinakilala na makakasama sa Filipino adaptation ng hit Korean series na “What’s Wrong With Secretary Kim” starring Kim Chiu and Paulo Avelino under Dreamscape Entertainment and Viu Philippines.
Muli silang magsasama sa nasabing series ng kanyang ka-loveteam na si Yves Flores at nagsimula na rin silang mag-taping at mag-pictorial para rito.
Konting background lang about Gillian,
mula sa mga commercial, VTR’s at auditions nagbunga ang pagsisikap at paghihintay niya nang mapabilang sa pelikulang “Eerie” na pinagbibidahan nina Bea Alonzo at Charo Santos.
Siya ang gumanap bilang Erika Sayco, ang batang nagmumulto sa eskwelehan kung saan umikot ang kwento ng pelikula.
Pagbabahagi ni Gillian, “Nu’ng time na ginagawa po ito talagang hindi ako isinasama sa mga promos, guestings at kung ano-ano pa para raw hindi mawala yung element of takot sa pelikula at kaya baguhang artista rin ang kinuha para sa nasabing role.”
Mula rito ay nagsunud-sunod na nga ang mga projects niya at hindi na napigilan ang pagbulusok ng kanyang pangalan dahil na rin sa angking galing na ipinamamalas niya.
Kabilang si Gillian sa Star Magic Batch 2019 na inilunsad kasabay sina Belle Mariano, Anthony Jennings, Jeremiah Lisbo, JC Alcantara at Kyle Echarri.
Kalaunan ay pinasok din siya bilang isa sa orihinal na artistang aalagaan ng Rise Artists Studio sa pangangalaga ni Mico del Rosario under Star Creatives.
Biggest break niyang maituturing ang “Four Sisters Before The Wedding” kung saan nakasama niya sina Alexa Ilacad, Charlie Dizon at Belle Mariano. Siya ang gumanap bilang Alex na naunang ginampanan ni Angel Locsin sa “Four Sisters and a Wedding.”
Marami ang nakapansin sa kanyang akting sa movie dahil para talaga siyang batang version ni Angel Locsin.
Mas minahal at mas nakilala pa si Gillian Vicencio sa “2 Good 2 Be True” kung saan gumanap naman siyang boyish friend as Tox with Matt Evans, and Yves Flores na mga malalapit na kaibigan ng character ni Daniel Padilla as Eloy.
Dito mas nabigyang pansin siya dahil sa kakaibang pagganap at lalo pang minahal ng mga manonood dahil nakitaan ng kilig ang tambalan nila ni Yves bilang si RED hanggang sa mabuo na nga ang tambalang “ReTox.”
Matapos ang serye ay nagkaroon pa ng project ang dalawa, ito ang spinoff ng loveteam nila na tinawag na “ReTox 2 Be Continued” na inabangan din ng mga tagahanga.
Say ni Gillian, thankful siya dahil unexpected daw talaga ang chemistry na nakita ng mga manonood at maging ng production sa kanila ni Yves.
Sila mismo ay nagulat at natuwa nang masundan pa ito kung saan ang kwento naman nila ang bumida. Naging malapit din ang dalawa dahil na rin sa nagkakasundo sila sa maraming bagay.