Bandera Editorial
KAPAG ang mahihirap ang tuturuan ng gobyerno na magplano ng pamilya, at sila na mismo ang humingi ng tulong sa pamahalaan para magkaroon ng libreng condom at pilduras, bawal. “Mahigpit na ipinagbabawal” iyan ng Diyos, ang igigiit ng simbahang Katolika.
Hindi lang yan. Kapuna-puna na kapag mahirap, napakarami talaga ng bawal. Pero, kapag mayaman, tila walang bawal. Hindi ipinagbabawal ng mga pari sa mayayaman ang magplano ng pamilya, ang gumamit ng condom, ng pilduras, kahit magpalaglag ng bata. Bulag at bingi ang simabahan sa mga isyung ito sa mayayaman. Ang mayayaman ay may “morning after pill,” at dedma ang mga pari rito.
Kapuna-puna, at nakapagtataka, na sa Amerika ay walang sing-init na kampanya ang simbahang Katolika laban sa condom at pilduras. Gayun din naman sa Poland, na 95% ay Katoliko (mas marami pa nga sa Pilipinas, at may Santo Papa pa na nanggaling dito) at mismong sa Vatican, na legal paglabas ng bakuran ang condom at pilduras.
Kung ang mga obispo sa Poland at Vatican ay magiging mas masidhi ang kampanya kontra condom at pilduras, na gaya ng ginagawa nila sa Pilipinas, ay baka pagtawanan na lang sila at dustain. Pero, sa Pilipinas ay nakapagtataka rin, sa pananaw mula sa ibang bansa (o mula sa labas ng Pilipinas), na hindi pinagtatawanan ng gobyerno ang pagpalag ng simbahan at bantang exkomunikado, bagkus makikipag-debate pa ito, makikipag-usap at makikipagtagisan ng katuwiran.
Makaluma pa rin ba ang Pilipinas at ang akala ba ng mga pari ay kolonya pa rin nila ang bansa at mas makapangyarihan pa sila kesa mamamayan?
Kahit na may “ceasefire” sa bangayan ng simbahang Katolika (lang naman, at ang ibang relihiyon at sekta’y di naman pinipigilan ang gobyerno, dinidiktahan o tinatakot) at gobyerno ay nagpasya na ang Department of Health: isusubi nito ang P400 milyon para ibili ng “natural and artificial means of family planning.” Kabilang sa bibilhin ay dalawang milyon condom na nakatakdang ipamahagi sa 2011.
At ang mga ito ay ipamamahagi sa mahihirap, yung di makabili ng condom na nagkakahala ng P5-P10 bawat isa.
Kung sa mayaman ay puwede, pag mahirap, dapat hindi bawal ang condom at pilduras, kung ang pakay ay di suwayin ang simbahan kundi iligtas sa tuluyang pagbagsak ang bansa.
* * *
Parusa ng makapangyarihan
Ang relihiyon ay di dapat ipilit kaninuman, na parang isang parusa o pagpapakasakit. Jose Rizal, Mga Kuru-kuro, Noli Me Tangere
ILANG tulog na lang at 100 milyon na tayo. At yan ang parusa’t pagpapakasakit na dulot ng maling dikta ng simbahang Katolika. Kung sana’y naging tama sila, di na sana tayo umabot sa 100 milyon, na ang kahulugan ay mas lalong dumami ang mangmang, mahihirap at nagugutom.
Base sa dikta ng simbahan (sila lang naman at di naman sagsasalita ang Protestante, Iglesia Ni Cristo, Dating Daan, Sabadista, Saksi, atbp., dahil iginagalang nila ang pagkakahiwalay ng mundo ng Estado at relihiyon), labag “sa kautusan ng Diyos” ang condom, pilduras at anumang contraceptive. At kapag ito’y isinusog at ipinilit ninoman, kahit na siya’y pangulo ng bansa, ay kondenado siya (sila) sa excomunicado, na hindi na maaaring makinabang sa Misa’t sakramento.
Ang grupong sumusuporta sa pagpasa ng Reproductive Health Bill ay nakararamdam na ng buwelta’t ganti ng simbahang Katolika. Nakikita na rin ng mga mambabatas na pabor sa RH Bill ang nakahandang suplina’t latigo sa kanila ng mga pari.
Pero, sa palaban, heto ang sagot: eh ano ngayon? Kung pakikinggan sa Ingles: bring it on, na mismong si Pangulong Aquino ang nagsabi.
Eh ano ngayon?
Gayun pa man, malamig pa rin ang ulo ni Ramon Pascual, executive director ng Philippine Legislators Committee on Population and Development Foundation, Inc., kaya’t nananawagan siya sa mga pari na itigil na ang panggigipit sa mga mambabatas na pabor sa RH Bill at humarap na lamang sa mga debate (ang mga pari) upang idepensa ang kanilang posisyon.
“Catholic bishops must stop threatening… the bishops should be decent and ventilate their position on the Reproductive Health Bill,” ani Pascual.
Sana’y magkaganoon nga. Pero, sa paghaharap ng pabor at kontra, tiyak na may titiklop. At tila hindi yan ang kontra.
Ano man ang mangyari, ang mga prayle pa rin ang siyang may laging katuwiran, ang mga prayle ay mayayaman at nangagkakaisa, samantalang tayong mamamayan ay watak-watak at mahihirap. Jose Rizal, Mga Kuru-kuro, Noli me Tangere
Bandera Editorial, philippine news at opinion, 100610
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.