Target ni Tulfo by Mon Tulfo
ANO naman ang kasong kriminal na isasampa ng gobyerno sa mga brodkaster at TV networks na isinangkot nila sa kapalpakan sa Luneta hostage crisis?
Ang hostage-taking ay nauwi sa pagkamatay ng walong Hong Kong tourists at ng hostage-taker na si dating Manila police Capt. Rolando Mendoza.
Ano ang isasampa nila kina Erwin Tulfo at Michael Rogas, na taga Radyo Mo Nationwide (RMN), at mga TV networks na ABS-CBN, GMA 7 at TV5?
Siguradong hindi multiple murder at accessory to murder.
Ang kasong puwede lang isampa ng pamahalaan sa dalawang brodkaster at sa tatlong TV networks, sabi ng mga abogado na nakausap ko, ay obstruction of justice.
Magaan lang ang kaparusahan ng obstruction of justice kung sila’y mapatutunayang nagkasala ng korte.
* * *
Kahit na magaan ang parusa na ipapataw sa obstruction of justice, ang pagsasampa ng reklamo sa korte laban sa dalawang mga brodkaster at tatlong TV networks ay paglabag sa malayang pamamahayag.
Maaaring nagkulang ang mga reporters na nag-cover sa Luneta hostage-taking at hindi nila isinaalang-alang ang mga buhay ng mga hostages, pero walang karapatan ang gobyerno na supilin ang media.
Kailangang mabigyan ng sanctions ang mga nabanggit na personalidad at TV networks ng sarili nilang mga kabaro.
May mga samahan ang mga taga media—gaya ng KBP o Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas—na pumapataw ng parusa sa mga nagkasalang mamamahayag.
Pero dapat ay hindi makialam ang gobyerno sa usaping media, at lalo na dapat hindi sampahan ng kaso ang mga brodkaster at TV networks.
Walang karapatan ang gobyerno na supilin ang malayang pamamahayag dahil ito’y nakasaad sa ating Saligang Batas.
* * *
Humahanap lang ng damay ang pamahalaan sa kanilang kapalpakan sa paghawak ng hostage crisis sa Luneta.
Bakit nila sisisihin ang media sa kapalpakan ng mga pulis, mga opisyal na lokal ng Maynila at Department of Interior and Local Government (DILG)?
May pagkukulang nga ang media sa hostage crisis, pero mas malaking kasalanang di hamak ang mga opisyal ng gobyerno dahil sa kanilang katangahan.
Kung hindi sila sangkatutak na tanga, hindi sana nakialam ang media sa hostage crisis.
Hindi ba alam ng mga kagalang-galang na mga opisyal ng pamahalaan na ang hostage-taker na si Mendoza mismo ang kumontak sa media.
Ibig sabihin ay wala siyang tiwala sa kanyang mga dating kasamahan sa Manila Police District at sa gobyerno mismo.
Kasalanan ba ng media na paunlakan ang hiling ni Mendoza na makausap ang mga taga- media at ihinga ang kanyang hinaing?
* * *
Ilang taon na rin ang nakararaan nang ang inyong lingkod ay nakasali sa isang hostage crisis.
Dalawa katao ang nang-hostage ng isang pamilya sa Quezon City matapos patayin ng mga ito ang dalawang pulis na pumasok sa kanilang apartment.
Hiningi ng dalawang hostage-takers na makausap ang aking mga kapatid na sina Raffy, Erwin at Ben.
Nagkataon naman ang ang tatlo ay wala sa Maynila—si Erwin ay may kinokober sa Mindanao, si Raffy ay nasa Cagayan Valley, at si Ben ay hindi makontak.
Ako ang naging panakip-butas sa tatlo—Aray!—at hindi ako nagdalawang-isip na tumulong sa mga pulis.
Hiniling ng dalawang hostage-takers sa mga pulis sa pamamagitan ng inyong lingkod na susurender sila pero huwag lang silang sasaktan.
Mainit kasi ang mga pulis na kasamahan ng dalawang pulis na napatay ng mga hostage-takers.
I relayed the request to the chief of the Central Police District (Quezon City Police District ngayon) at nagbigay siya ng assurance na hindi sila sasaktan.
The incident ended without any further bloodshed.
Ngayon, kung hindi nakialam ang media sa hostage-taking sa Quezon City, baka nadagdagan ang nagbuwis ng buhay.
Bandera, Philippine news at opinion, 092110
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.