Kokoi Baldo ng ‘The Voice PH’ season 2 pumanaw na
SUMAKABILANG buhay na ang reggae artist at ang “The Voice of the Philippines” season 2 finalist na si Kokoi Baldo o si Juan Manuel Ubaldo sa totoong buhay ngayong araw, December 8.
Base sa mga naglabasang ulat, nakasakay ang singer sa kanyang motorsiklo nang sinubukan nitong mag-overtake sa dalawang kaharap na sasakyan nito sa Circumferential Road ng Brgy. Mandalagan, Bacolod City pasado ala-una y media ng madaling araw.
Ngunit sa kasamaang palad ay nawalan umano si Kokoi ng kontrol sa sinasakyang motor at bumagsak. Matapos nito ay nabangga siya ng 10-wheeler truck na siyang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Nasa edad na 44 years old lamang siya nang namayapa.
Ang malungkot na balita ng pagkamatay ni Kokoi ay ibinahagi ng kanyang manager na nagngangalang “Sam”.
Baka Bet Mo: ‘The Voice Kids’ season 3 contestant Yohance Levi Buie mula sa Team Sharon pumanaw na sa edad 17
“It is with a heavy heart to inform the public, especially the fans, that Kokoi Baldo has passed away earlier this morning,” saad ni Sam sa Facebook page ng reggae artist.
Dagdag pa niya, “We kindly ask for privacy during this hard time in respect to his family and friends. He will be missed, loved and forever in our hearts.”
Sa ngayon ay nasa kustodiya na umano ng mga pulis ang driver ng truck na nakabangga kay Kokoi at patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.
Matatandaang unang nakilala ng madlang pipol ang reggae artists nang sumalo ito sa “The Voice of the Philippines” season 2 kung saan kabilang siya sa team na tinuturuan ni Sarah Geronimo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.