Claudine, Alice, ER agaw-eksena sa ‘untold story’ ni Imelda Papin
By: Ervin Santiago
- 12 months ago
Claudine Barretto, Imelda Papin at Alice Dixson
BONGGA! Naging matagumpay ang idinaos na premiere night ng pelikulang “Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin” starring Claudine Barretto.
In fairness, sa tatlong sinehan sa SM Megamall ipinalabas ang life story ng Jukebox Queen na si Imelda Papin kasabay ng pagdiriwang ng kanyang 45th year sa entertainment industry.
Bukod kay Claudine, kasama rin sa pelikula sina Gary Estrada (as Bong Carreon), Alice Dixson (bilang Imelda Marcos), ER Ejercito (as Ferdinand Marcos, Sr.) at amg anak ni Imelda na si Maffi Papin (as herself).
Grabe! Knows n’yo ba na umabot ng isang taon bago matapos ang “Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin” na idinirek ni Gabby Ramos at lahat daw ng mga eksenang ipinakita sa movie ay ibinase sa mga totoong nangyari noong umalis ng Malacañang ang pamilya Marcos.
“Hindi po haka-haka lang. Ito po ay hango mula sa pagiging bata, pag-unlad at pagiging loyalista niya (Imelda) at kaibigan sina Imelda at Pangulong Ferdinand Marcos sa Hawaii,” ang pahayag ni Maffi.
Sabi naman ni Imelda Papin, satisfied siya sa kinalabasan ng pelikula at super proud siya sa lahat ng artistang nagsiganap sa kuwento ng kanyang buhay.
Sa pelikula lang namin nalaman na matindi rin pala ang pinagdaanan ni Imelda at ng kanyang pamilya nang umalis siya sa Pilipinas noong dekada 80 para sundan sa Hawaii ang pamilya Marcos.
Ninong at ninang ni Imelda at ng asawa niyang si Bong Carreon ang dating Pangulo at former First Lady ng Pilipinas kaya naman talagang matatawag siyang certified loyalista.
In fairness, bagay na bagay kay Alice ang role bilang Imelda Marcos dahil hindi nagkakalayo ang kanilang mga itsura. Ganu’n din si ER na kuhang-kuha naman ang tindig at boses ni dating Pangulong Marcos.
Hindi naman binigo ni Claudine ang manonood dahil talagang tumodo rin siya sa pagdadrama sa pelikula, “Ang galing ng istorya niya, e. Grabe ang loyalty niya talaga. Makikita mo rin na maaawa ka talaga sa mga Marcoses, ganyan. Alam mo yun.
“I told direk Gabby, sabi ko direk, I need to spend time with Imelda. Gustung-gusto ko siyang gayahin na siyang-siya talaga,” sey pa ni Claudine.
Marami naman ang nag-expect na kakantahin ni Claudine ang mga hit songs ni Imelda pero nabigo ang mga fans.
Paliwanag ng Jukebox Queen, mas nag-focus kasi ang pelikula sa naging buhay niya sa Hawaii at kung gaano siya ka-loyal bilang kaibigan ng mga Marcoses.
Talaga palang sumunod siya sa Hawaii nang ma-exile roon ang pamilya Marcos dahil nanganib din ang buhay niya bilang loyalista pero naiwan sa Pilipinas ang kanyang asawa.
Ang mensahe raw ng pelikula ayon kay Imelda ay, “Pagmamahal, pagkakaisa at siyempre yakapan ng bawat Pilipino. Ipinakita ko sa pelikulang ito na kung may kaibigan ka na nasa ibaba, iaangat at tutulungan natin.”
Samantala, talagang dinagsa ng mga fans ni Imelda pati na rin ng mga supporters ng Marcos family ang premiere night ng “Loyalista” at napuno nila ang tatlong sinehan sa SM Megamall.
Narito ang schedule ng iba pang special screening ng pelikula: Resorts World, December 16; La Union, December 17; Naga City, December 23; Samar, December 26; at Bohol, December 28.