MASAYA kami for Diamond Star Maricel Soriano at Kuya Roderick Paulate dahil ang pagbabalik nila sa big screen ay palakpakan to the max ang narinig nila mula sa mga nakapanood sa nakaraang screening ng “In His Mother’s Eyes” movie SM Megamall dahil sa napakahusay nilang pag-arte.
Ilang taong hindi napanood ang dalawa sa big screen, pero wala silang kupas at effortless ang mga eksenang nagkaroon sila ng kumprontasyon na tatak Marya at kuya Dick.
Ang dahilan naman ng kanilang pag-aaway sa pelikula ay ang baguhang aktor na si LA Santos na talagang nagpakitang gilas sa first starring role niya na may autism spectrum disorder bilang anak ni Maricel at pamangkin naman ni kuya Dick.
The usual ang kuwento, iniwan ni Marya ang anak sa pangangalaga ng kuyang si Roderick para maghanap buhay sa ibang bansa para matustusan ang pangangailangan ng pamilya at ng anak na may special condition na alam naman ng lahat kung gaano kamahal at habambuhay na gamutan ito.
Inamin ni LA na inaral niya ang kanyang karakter at hindi naging madali ito para sa kanya kahit mayroon talaga siyang autism at sa tulong ng direktor nilang si FM Reyes ay naibibigay niya ang tamang pag-arte sa mga eksena.
Baka Bet Mo: Roderick Paulate tried and tested na ang friendship kay Maricel Soriano: Ilalaban ako n’yan!
Masyadong seryoso kung sina kuya Dick, LA at Marya lang ang nasa pelikula kaya kailangan ang role nina Ogie Diaz at Maila Gumila para gumaan lalo na sa batuhan ng mga linya dahil pagkatapos mong maluha ay tatawa ka naman, aning-aning lang ‘diba?
Pero sobrang nakakaiyak ang “In His Mother’s Eyes” at bato na lang ang hindi iiyak kapag napanood ito simula nitong Nobyembre 29 na base sa mga napagtanungan namin ay namamaga ang mga mata paglabas nila ng sinehan dahil pati ang ending ay dire-diretso ang daloy ng luha sa mga mata.
Sabi nga namin, bato na lang ang taong nanood kapag hindi napaiyak at it turned out na maganda ang latag ng pag-review ni Goldwyn Reviews dahil binigyan niya ng score na 4/5 ang “In His Mothers Eyes” na ilang beses din niya itong pino-post sa kanyang Facebook account.
Kaya namin nabanggit si Goldwyn ay dahil maraming nagtangkang gustong ipasara ang kanyang FB account at iba pa niyang social media accounts dahil nga hindi raw makatarungan ang mga reviews niya lalo na kapag nakatikim ng negative zero. Masuwerte na kung nag score siya ng 1 or 2.
Na-gets din namin ang ibang nagagalit dahil malaking pera ang ginastos nila para sa pelikula tapos ang mababasang rebyu ay negative 0, 1 or 2 ng mga planong manood? Paano nga naman makakabawi ang producer kung na-boldyak na sila kaagad, hindi man lang nabigyan ng chance? Sana after a week na lang daw ni-rebyu.
Well, iyon ang challenge ro’n, para hindi makakuha ng ganyang score, gandahan ang storyline at kumuha ng mga artistang magagaling umarte para hindi ma-boldyak ni Goldwyn.
Personally, hindi namin kilala si Goldwyn at gusto namin siyang makilala pero mailap daw sabi ng aming napagtanungan.
Sadyang hindi raw ito nagpapakilala para makapasok sa mga sinehan kapag may premiere night na ewan paano nakakakuha ng ticket at kadalasan daw ay nagbabayad naman ito kaya may K mag-rebyu.
Going back to “In His Mother’s Eyes,” ang ganda ng timing dahil ang first movie project ni FM Reyes ay binigyan siya ng magagaling na artista kaya tumindig ang kuwento ng pelikula at nabigyan ng hustisya.
May mga ilang napansin kami lalo na sa production design pero labas naman na iyon sa kabuuan ng gustong iparating na mensahe ng isang inang sobra ang pagmamahal sa anak na may special needs at ang anak na hindi man niya maipakita ng tama ay alam niya sa kanyang puso’t isipan na mahal niya ang ina at kung bakit siya iniwan noong bata pa siya.
Ang husay ni LA kaya sobrang proud ang mommy niyang si Gng Flor Santos na producer din ng pelikula.
Nakakahinayang naman talaga na hindi ito napili bilang entry ng 7K Entertainment with DreamWings Productions Inc at Bonfire Productions ngayong 2023 Metro Manila Film Festival.