Rob Gomez ‘sinipsip’ si Polo Ravales sa isang eksena nila sa ‘Lovers/Liars’: ‘Ginalingan ko po!’
By: Ervin Santiago
- 12 months ago
Polo Ravales, Kimson Tan, Rob Gomez at Yasser Marta
BINIRO ng ilang members ng entertainment press si Polo Ravales na “swapang” sa lalaki matapos ang naganap na presscon para sa latest series ng GMA, ang “Lovers/Liars.”
Gaganap kasing bading si Polo sa naturang serye na pinagbibidahan ni Claudine Barretto at natanong siya kung sino sa tatlong male co-stars niya ang type niyang dyowain kung naging beki siya in real life.
Yan ay sina Rob Gomez, Yasser Marta at Kimson Tan.
Sey ni Polo, mahirap daw pumili ng magiging boyfriend sa tatlong aktor kaya ang sagot niya dyodyowain na lang daa niya lahat.
“Parang ang hirap nu’n. Iba-iba sila kasi ng category, e. Parang mahirap, e. Siguro silang tatlo. Silang tatlo nga, totoo. Iba-iba kasi, e,” hirit ni Polo.
Aniya, iba-iba raw kasi ang katangian ng tatlong Kapuso stars, “Una, si Yasser, kasi mala-Middle Eastern ang datingan, ’di ba? Parang Prince of Jaipur.
“Si Kimson naman parang K-pop, oppa. Tapos si Rob naman parang…alam n’yo ’yung dating n’ya parang pang-bampira, ’di ba? Pang-Twilight ’yung datingan. Iba-iba talaga, e,” esplika ni Polo.
Sa tatlong co-actor niya, si Rob ang makaka-partner siya sa “Lovers/Liars” kung saan gaganap nga siyang secret gay lover ng aktor sa kuwento.
“Kagabi, sinipsip n’ya (Rob) ako. Oo! Ha-hahaha!” ang birong chika ni Polo na ikinahagalpak ng press people.
Bilib daw siya sa husay at dedikasyon ni Rob sa trabaho, “Actually, nagulat ako. Ang galing n’yang artista, e. Hindi ko na-feel sa kanya na parang baguhan siya. Hindi.
“Pagdating namin sa set, game na siya agad, e. He’s a very professional. Malayo ang mararating nitong si Rob. Iba ’yong passion n’ya,” ani Polo.
Kinumpirma naman ni Rob na magkakaroon sila ng love scene ni Polo sa serye, “Actually, kakagawa lang po namin kahapon. Excited na po ba kayo na makita? Ginalingan ko po. Ha-hahahaha!”
Sey naman ni Polo, talagang isinama pa raw niya sa taping ng “Lovers/Liars” ang fiancee niyang si Paulyn Quiza para mapanood nito ang mainit na eksena nila ni Rob.
“Ang ginawa ko kasi, ’yong fiancee ko, pinapanood ko doon sa monitor, pinatabi ko kay direk. Sabi ko, doon ko malalaman kung magiging maganda ang eksena namin.
“Alam n’yo ang nangyari? Kinikilig sila sa eksena namin ni Rob. Seryoso. So nu’ng pag-cut sa eksena, talagang natutuwa sila sa performance namin. Hindi s’ya bastos pero marami raw kikiligin,” ani Polo.
Kasama rin sa serye sina Michelle Vito, Sarah Edwards, Lianne Valentin at Shaira Diaz. Magsisimula na ito sa November 20 sa GMA 7.