Petite napakalaki ng utang na loob kay Vice: ‘Nu’ng nawasak ang puso ko siya ang una kong tinakbuhan, iyak ako nang iyak!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Petite at Vice Ganda
ISA sa mga iniiyakan ng komedyante at host na si Petite kapag may mga pinagdaraanan siya sa buhay at career ay ang Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda.
Inialay ng stand-up comedian ang kauna-unahan niyang pelikulang “Broken Hearts Trip” na masuwerteng napasama sa 2023 Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa December 25.
Aminado si Petite na talagang ipinagdasal niya na sana’y mapili ang “Broken Hearts Trip” sa 10 official entry ng MMFF this year.
“Naniniwala ako kaya nakapasok ito dahil sa prayers. ‘Yung pinagdasal ko talaga ito. Kasi naniniwala ako na sobrang nag-effort kami dito at komedyante ako so ang hirap sa akin mga heavy drama,” sey ng komedyante sa presscon ng “Broken Hearts Trip.”
“Gusto ko lang i-share sa lahat lalo na sa LGBTQIA family natin ‘yung love para sa lahat. Kasi universal. At saka yung agam-agam na hanggang saan ba ‘yung pagbabayad ng utang na loob? Dito sa movie na ito may sagot. Kaya watch na lang the whole movie,” sey pa ni Petite.
In fairness, mukhang promising naman ang pelikula na iikot ang kuwento sa limang brokenhearted LGBTQ individuals na mabibigyan ng “chance to heal” sa pamamagitan ng isang reality show na kinunan pa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
“Ang role ko ay si Mark dito sa pelikulang ito. Meron akong anak na ipinaglalaban. Medyo hirap sa buhay pero ganu’n pa man, diretso ang laban,” ani Petite.
Ibinahagi rin ng komedyante sa presscon na si Vice Ganda na ang nagma-manage sa kanyang career, “Para sa kaalaman ng lahat po, ang manager ko ay si Vice Ganda.
“So kami po, ang management namin, ang pinakahuling pumirma sa kontrata. Kasi si Meme sobrang hands on talaga siya. Hanggang di pa na-release ‘yung buong detalye ng script na ipapadala sa kanya, hindi niya pinipirmahan.
“Siya ang nagsabi na, ‘O, tatalon ka sa falls, itutulak ka sa bangin, ilulubog ka sa dagat. Kaya mo ba?’ Sabi ko kaya ko. Okay. Saka lang niya pinirmahan.
“So ganu’n siya. So siguro kung anong mangyari dito sa MMFF, sa akin, para ito kay Meme eh. Kasi sobrang tiwala siya sa akin,” kuwento pa ni Petite.
Tuwang-tuwa nga raw si Vice na mabalitaan nitong napasama sa MMFF 2023 ang kanilang movie, “Masaya siya sa akin. Tinanong niya ako kung nag-enjoy ako. Yun ang unang tinanong niya nu’ng dumating na ako. ‘Nag-enjoy ka ba?’ Sabi ko ‘Sobra!’
“Sabi niya, ‘Eh di very good. Ginalingan mo ba? Nakisama ka ba?’ Yun yung mga tanong niya. Ganu’n po si Vice. Kaya Meme thank you, I love you,” sey pa niya.
Kahit nga raw sa kanyang personal life, ay isa si Vice sa mga pinagsusumbungan niya, “Nu’ng nawasak ‘yung puso ko, kasi ako yung tao na buong-buo pero wasak na wasak.
“So, ang una kong tinakbuhan, walang halong joke ito, si Meme Vice. Iyak ako nang iyak sa kanya. Sabi niya sa akin, ‘Namnamin mo lang yan. Okay lang yan. Huwag mong madaliin. Kasi matututo ka diyan.’
“Parang pag nagkasakit ka, na-confine ka sa hospital. Tapos sasabihin mo sa doktor, ‘Doc, lalabas na ako.’ Tapos sasabihin sa ‘yo ng doktor hindi ka pa okay, kailangan mo pa mag-rest.
“So hindi ganu’n kadali. Mahaba yung proseso. Pero ako ngayon I am really okay and masayang-masaya ako,” sabi pa ni Petite.
Ang “Broken Hearts Trip” ay mula sa direksyon ni Lemuel Lorca, produced by Benjie Cabrera, Omar Tolentino, Power Up Workpool Inc., BMC Films, at Smart Films.
Kasama rin dito sina Christian Bables, Andoy Ranay, Teejay Marquez, at Iyah Mina.