Darren Espanto, Erik Santos, Pops Fernandez eeksena sa 6th The EDDYS ng SPEEd sa Nov. 26
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Darren Espanto, Erik Santos at Pops Fernandez
TATLONG sikat at premyadong mga celebrities mula sa iba’t ibang henerasyon ang magbibigay-kulay at ningning sa magaganap na 6th The EDDYS awards night.
Tuloy na tuloy na ang ikaanim na edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa darating na November 26, Linggo, sa Aliw Theater, CCP Complex, Pasay City.
Kaabang-abang ang mga inihandang production numbers ng original Concert Queen na si Pops Fernandez, pati na ng Prince of Pop at King of Teleserye Theme Song na si Erik Santos.
May pa-surprise number din sa Gabi ng Parangal ang Kapamilya singer-actor na si Darren Espanto.
Magsisilbing host naman sa 6th The EDDYS ang Ultimate Leading Man at award-winning actor-producer na si Piolo Pascual at ang premyadong aktres na si Iza Calzado.
Ang pagbibigay parangal at pagkilala ng 6th The EDDYS sa mga natatanging pelikulang Pilipino nitong nagdaang taon ay mula sa direksyon ng award-winning actor-director na si Eric Quizon.
Ito’y ihahatid ng Airtime Marketing Philippines ni Tessie Celestino-Howard. Mapapanood ang delayed telecast ng awards night sa December 2 sa A2Z Channel.
Samantala, limang pelikulang Pilipino na nagmarka at nang-agaw ng eksena noong nakaraang taon ang maglalaban-laban sa 6th The EDDYS.
Ang mga nominado sa kategoryang Best Film ay ang “Bakit ‘Di Mo Sabihin” ng Firestarters at Viva Films; “Blue Room” mula sa Heaven’s Best Entertainment, Eyepoppers Multimedia Service at Fusee; “Doll House” ng MavX Productions; “Family Matters” ng CineKo Productions; at “Nanahimik ang Gabi” mula sa Rein Entertainment.
Nominado naman sa pagka-Best Director sina Marla Ancheta (Doll House); Ma-an L. Asuncion-Dagñalan (Blue Room); Real S. Florido (Bakit ‘Di Mo Sabihin); Nuel Crisostomo Naval (Family Matters); at Shugo Praico (Nanahimik ang Gabi).
Magpapatalbugan para sa Best Actress category sina Kim Chiu (Always); Max Eigenmann (12 Weeks); Janine Guttierez (Bakit ‘Di Mo Sabihin); Nadine Lustre (Greed); Heaven Peralejo, (Nanahimik ang Gabi); at Rose Van Ginkel (Kitty K-7).
Bakbakan naman sa pagka-Best Actor sina Elijah Canlas (Blue Room); Baron Geisler (Doll House); Noel Trinidad (Family Matters); Ian Veneracion (Nanahimik ang Gabi); at JC de Vera, (Bakit ‘Di Mo Sabihin).
Paglalabanan naman nina Mylene Dizon (Family Matters); Matet de Leon (An Inconvenient Love); Althea Ruedas (Doll House); Ruby Ruiz (Ginhawa); at Nikki Valdez (Family Matters) ang tropeo para sa kategoryang Best Supporting Actress.
Para sa Best Supporting Actor, nominado sina Nonie Buencamino (Family Matters); Mon Confiado (Nanahimik ang Gabi); Soliman Cruz (Blue Room); Sid Lucero (Reroute); at Dido dela Paz (Ginhawa).
Bibigyang-pugay din ng SPEEd ngayong taon ang hindi matatawarang kontribusyon sa industriya ng pelikulang Filipino ng mga napiling EDDYS Icon awardees na kinabibilangan nina Aga Muhlach, Richard Gomez, Gabby Concepcion, Niño Muhlach, Snooky Serna, Jaclyn Jose, Barbara Perez at Nova Villa.
Kabilang naman sa bibigyan ng Isah V. Red Award sina Herbert Bautista, Coco Martin at Piolo Pascual para sa walang sawa nilang pagtulong at pagbibigay ng inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan.
Igagawad ang Joe Quirino Award sa veteran entertainment columnist, former TV host at content creator na rin ngayon na si Aster Amoyo habang ang beteranong manunulat at dati ring entertainment editor na si Ed de Leon ang tatanggap ng Manny Pichel Award.
Ngayong taon, ipagkakaloob ang Producer of the Year sa Viva Films habang ang Rising Producer of the Year ay igagawad sa MavX Productions.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis ng People’s Journal.
Ang pamamahagi ng parangal ng SPEEd ay isang paraan din para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pang kasama sa pagbuo ng isang matino at dekalibreng pelikula.