HINDI napigilang maluha ng Kapuso Action-Drama Prince na si Ruru Madrid nang mapag-usapan ang relasyon nila ng kanyang girlfriend na si Bianca Umali.
Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin siya makapaniwala na natagpuan na niya ang babaeng nais niyang pakasalan at makasama habangbuhay.
Sa ikatlong guesting ni Ruru sa “Fast Talk with Boy Abunda”, muling ibinandera ng binata sa buong universe ang pagmamahal niya kay Bianca at kung paano binago ng dalaga ang buhay niya.
Sabi ng Kapuso star, isa ang Kapuso actress sa mahahalagang taong nakapagpapanatili ng mga paa niya sa lupa sa kabila ng tinatamasang tagumpay.
“Noong bata ako, iniisip ko, gusto ko pong magkaanak pero parang hindi ko kayang mag-settle with a girl na siya lang habangbuhay.
“Pero noong dumating siya sa buhay ko, I don’t know, for some reason, parang nakaramdam po ako ng spark. At sinabi ko na ito ‘yung gusto kong makasama habangbuhay,” pagbabahagi ni Ruru.
Pagpapatuloy pa niya, “Hindi ko po ‘yun naisip dati. But ngayon, sobrang proud ako na ipagmalaki na ‘yun ‘yung nararamdaman ko para sa kanya.”
Kuwento pa ng “Black Rider” star, mas lalo pa niyang minahal si Bianca nang maging bukas ang isip at puso nito sa kanyang religion.
Talaga raw nag-effort ang dalaga na intindihin at unawain ang kanyang mga paniniwala bilang miyembro ng Iglesia ni Cristo.
“Actually Tito Boy, noong mga panahon na nililigawan ko pa lang po si Bianca, naging honest na po ako sa kanya. Sinabi ko po sa kanya na ito, kailangan sa amin, kailangan Iglesia ni Cristo rin.
“Pero siya, for some reason, sinabi niya sa akin na open siyang makinig. At ayokong ipilit ko sa kanya na kailangan mong mag- Iglesia para sa akin kasi hindi po ganoon ‘yun at hindi kami uusad kung doon siya mangaggaling,” paliwanag ni Ruru.
“Nagulat na lang po ako one day, birthday po niya, bigla niyang sinabi sa akin na ang gusto daw niyang gift para sa sarili niya ay faith kay God. At gusto daw po niyang makinig ng aral ng Iglesia ni Cristo,” dagdag pang pahayag ng binata.
“Hindi ko po talagang napigilang umiyak ng mga panahon na ‘yun kasi alam ko talaga na napatunayan ko sa sarili ko na siya na talaga. Wala nang pag-aalinlangan.
“Inaral po niya ‘yun, everyday nagpupunta. Kasi sa amin po Tity Boy, may 25 lessons, may 8 months pa na pagsubok na hindi ka puwedeng maka-miss ng kahit isang pagsamba.
“Tinapos po niya lahat ‘yun nang hindi ko siya pinipilit,” pagbabahagi pa ni Ruru sa naturang panayam.
Nasa studio rin ng “Fast Talk with Boy Abunda” si Bianca nang mag-guest si Ruru at ipinakita nga sa camera na naging emosyonal rin ang dalaga sa mga naging pahayag ng binata tungkol sa kanya.
Related Chika:
Ruru, Bianca tanggapin kaya ang offer na maging host sa ‘bagong Eat Bulaga’ kahit wala na sina Tito, Vic & Joey?