PAGASA: Posibleng maging maulan sa araw ng eleksyon, undas dahil sa LPA

PAGASA: Posibleng maging maulan sa araw ng eleksyon, undas dahil sa LPA

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

HUWAG kalimutang magdala ng payong, kapote o anumang panangga sa ulan.

‘Yan ang naging paalala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko ngayong araw ng Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE), pati na rin sa darating na undas.

Ayon sa weather bureau, kasalukuyan nilang binabantayan ang isang Low Pressure Area na nasa bahagi ng Visayas, pati na rin ang Shearline at Northeast Monsoon o Hanging Amihan.

“Sa ngayon, base sa ating mga latest na mga datos, maliit pa ‘yung tsansa na ito nga ay maging bagyo,” Sey ni Weather Specialist Obet Badrina sa press briefing ngayong October 30.

Paliwanag niya, “Inaasahan din natin na posible itong kumilos dito po sa bahagi ng  Visayas at Bicol Region itong Low Pressure Area na ito. Kaya inaasahan po natin sa mga susunod na araw ay posibleng magdala ng mga pag-ulan itong Low Pressure Area, partikular na dito sa may bahagi ng Visayas at Southern Luzon.”

Baka Bet Mo: Manila North Cemetery naglabas ng guidelines ngayong ‘Undas’ 2023

Bukod daw ngayong eleksyon ay posible ring maging maulan sa ilang lugar sa darating na undas sa November 1 at 2.

“Posible nga po sa bandang araw ng Miyerkules at Huwebes ay malaki ang tsansa ng pag-ulan, pati na rin dito sa bahagi ng Kamaynilaan, CALABARZON, at MIMAROPA area,” sambit ni Badrina.

Patuloy niya, “Meron din tayong Shearline na maaari ring lumapit dito sa bansa at maaaring magdala dito sa may bahagi ng Southern Luzon.”

“Samantala, patuloy pa rin ang pag-iral ng Northeast Monsoon o Hanging Amihan at ito ay magdadala ng mahinang ulan,” aniya pa.

Base sa weather bulletin ng PAGASA ngayong araw, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Bicol Region at Eastern Visayas dahil sa buntot ng LPA at Shearline.

Magpapaulan naman ang Hanging Amihan sa Batanes, Cagayan, Isabela, Aurora, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at nalalabing bahagi ng Central Luzon at Cagayan Valley.

Uulanin din ang Metro Manila at natitirang parte ng bansa na dulot ng localized thunderstorms.

Related Chika:

Maynila magpapatupad ng ‘liquor ban’ simula Oct. 29 hanggang Nov. 2

Read more...