Rendon Labador sinabihan ng sariling ama ng, ‘Ikaw, wala kang kwenta! Who you ka!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rendon Labador
HINDI isinasara ng social media personality na si Rendon Labador ang kanyang isip at puso sa pagsabak sa magulo ngunit makulay na mundo ng politika.
Ayaw daw niyang magsalita ng patapos na hindi siya tatakbo sa anumang position sa gobyerno dahil baka kainin lamang niya ito pagdating ng panahon.
Sa panayam ni Anthony Taberna kay Rendon sa kanyang programang “Tune In Kay Tunying Live” last Thursday, October 26, ay diretsahan siyang tinanong kung may plano ba siyang maging politician.
“Teka muna, magpopolitiko ka rin ba? Baka makita ko kumakandidato kang senador, ah,” ang question ni Ka Tunying sa kontrobersyal na motivational speaker.
“Wala pa. Hindi ko sinasara yung option na yan pero wala pa sa isip yan sa ngayon,” ang tugon ni Rendon.
Sa Facebook page ng BANDERA, may ilang netizens ang nag-react tungkol dito. Narito ang ilan sa mga nabasa naming comments sa isyu ng pagtakbo ni Rendon bilang senador.
Samantala, naikuwento rin niya sa naturang panayam ang ilang detalye tungkol sa kanyang sarili bago pa siya nakilala sa social media.
“Anak po ako ng general. Pinalaki talaga kami ng military discipline. Siyempre kapag anak ka ng general, mataas yung expectation sa ’yo.
“So, ayun yung ginawa sa amin tapos hilig ko lang kasi noon nagi-gym lang ako, happy go lucky, so minamaliit kami,” pagbabahagi ng binata.
“Ang sabi sa akin ni Erpat, ‘kaya ka lang kinakaibigan ng mga kaibigan mo ngayon dahil general ako. Ikaw, wala kang kwenta. Who you ka. Kapag ako nag-retire or nawala na ako, wala nang papansin sa ’yo. Pinapansin ka lang ng tao dahil may makukuha sila sa ’yo.’
“So, nu’ng sinabi sa akin ng Erpats ko yun napaisip ako. Bata pa lang ako nagising ako sa katotohanan. So, doon ako nagsimulang mangarap,” aniya pa.
Ipinagdiinan din ni Rendon na hindi niya hahayaan ang sarili na maging “nobody” hanggang sa maisipan nga niya na maging motivational speaker at maibahagi sa lahat ang mga natutunan niya sa mga magulang.
Kamakailan ay naging usap-usapan na naman si Rendon dahil sa pagsama at pagpe-Facebook live niya sa isinagawang operasyon ng PNP Anti-Cybercrime sa inirereklamong online lending company.
Nakipag-collab kasi siya sa PNP ACG para sa isinagawang raid laban sa mga empleyado ng isang lending company na nanghaharas umano ng mga taong may pagkakautang sa kanila.
Hindi nagustuhan ng pamilya ng mga tauhan ng naturang kumpanya ang FB Live ni Rendon kung saan nakita ang mukha ng ilang empleyado na umano’y matatawag na “privacy breach.”
Dahil dito, sinibak sa puwesto bilang spokesperson ng PNP-ACG si Police Captain Michelle Sabino.
Ayon sa ulat, pinayagan umano ni Sabino na i-Facebook live ni Rendon ang raid. Sabi ni ACG Director Police Brig. Gen. Sydney Hernia, pansamantalang inilipat si Sabino sa ibang pwesto at naghahanap na sila ng papalit sa posisyon nito.