Reward money sa makapagtuturo kung nasaan ang missing beauty queen na si Catherine Camilon umabot na sa P250k, person of interest hawak na ng PNP

Reward money sa makapagtuturo kung nasaan ang missing beauty queen na si Catherine Camilon umabot na sa P250k, person of interest hawak na ng PNP

Catherine Camilon

KASALUKUYANG iniimbestigahan ng mga operatiba ng Police Regional Office (PRO) 4A ang “person of interest” sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Kamakailan ay ibinalita ng PNP na ang POI sa kaso ni Catherine, na naging kandidata sa Miss Grand Philippines 2023 noong July, ay nasa kustodiya na nila at isa rin daw itong pulis.

Sa isang report ng GMA News, may kaibigan daw si Catherine na lumapit sa kapatid nitong si Chin-chin Camilon, at  sinabing may boyfriend na pulis ang Grade 9 teacher.

Ito raw ang imi-meet ni Catherine noong araw na naiulat siyang nawawala at hindi na makontak ng kanyang pamilya. Ang pulis din daw na ito ang nagbigay ng sasakyang Nissan Juke sa missing beauty queen na huling minaneho nito noong araw na siya ay nawala.

Ni-relieve na sa pwesto ang naturang alagad ng batas habang isinasagawa ang imbestigasyon at kasalukuyang nasa pangangalaga ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit.

Baka Bet Mo: Catherine Camilon buhay pa ilang araw matapos ideklarang ‘missing person’, pangako ng PNP: ‘We’ll bring her home safe’

Ayon kay Acting Regional Director Brigadier General Paul Kenneth Lucas, “The removal of the police officer from his position is essential to ensure that the investigation remains free from potential influence and guarantees a fair and thorough examination of the case.”

Sabi pa ni Lucas, “We understand the concern of the family of Miss Camilon during this challenging time. We request everyone to refrain from speculating or disseminating unverified information.

“We will keep the media and the public informed as the investigation unfolds, and we will do everything in our power to find answers regarding this incident,” aniya pa.

Samantala, umabot na sa P250,000 ang reward money para sa sinumang makapagtuturo kung nasaan si Catherine. Ito’y matapos magbigay ng karagdagang P50,000 ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Ang naunang P100,000 ay nanggaling sa business sector ng Region 4A, habang ang isa pang P100,000  ay nagmula naman kay Batangas Vice Governor Mark Leviste.

Read more...