OO nga naman. Naitala na sa kasaysayan na ang pinakamahal na bigas ang ang ibinebenta ngayon ng National Food Authority.
Ayon kay Agriculture Secretary Proseco Alcala, huwag daw umasa ang mahihirap sa bigas. Kumain naman daw sila ng mais dahil mataas ang ani ng mais. Sa kabila ng mga bagyo, “record harvest” pa ang mais, na tinatayang 8.2 milyon metriko tonelada.
Tama si Alcala. Mas matibay ang mais kesa palay. Kung igigiit ang pagkain ng mais, babalik tayo sa panahon ng Rice and Corn Administration, na bigas at mais ang kinakain araw-araw. Di problema ito sa mga Cebuano at ilang lalawigan sa Mindanao.
Pero, sa henerasyon ngayon, mahirap daw silang matunawan kapag mais ang kinakain. Yun din daw ang inilalabas. Dahil sa taas ng presyo ng bigas, di malayong irekomenda ni Pangulong Aquino ang nais ni Alcala, na tatawa-ging mais con yellow.
Ibinukod natin ang text message mula sa Tagbilaran City (siya’y taga-Maribojoc at sa kabisera nagtatrabaho). Aniya, labis ang kahirapan sa kanyang bayan at taliwas ito sa sinasabi ng mga politiko na hindi sila nagugutom. Sinabi ni Texter …3424 na walang relief goods mula sa gobyerno. At ang labis na ipinagtataka ng mga nilindol ay inabot ng anim na araw bago sila nakakita ng mga helicopter ng militar na nagbababa ng suput-supot na relief goods. Ang gob-yerno ang may pinakamaraming sasakyang himpapawid at dagat. Nasaan ang mga ito?
Isa lang ang ipinakita ng mga nilindol sa Bohol: ang talamak na kahirapan pa rin. Hindi ito gaanong itinampok sa mga pahayag ng mga biktima sa media sa gera sa Zamboanga City. Dahil ang istorya ay hinggil sa mga lumikas sa gera. Sa madaling salita, kahit magagaling ang mga kinatawan nito sa Kamara, mahihirap pa rin ang kanilang sambayanan. Apatnapu’t-dalawa ang mga bayan sa Bohol at napakaraming barangay ang hilahod ngayon sa kahirapan.
Hindi na nakatiis si NCRPO director Chief Supt. Marcelo Garbo at pinasibak na niya ang nakita niyang dalawang pulis na nagmomotor nang walang suot na helmet. Huli pa man ay maihahabol din. Matagal nang inilalabas ng media ang mga retrato ng mga pulis na nagmomotor, rider man o angkas, na walang suot na helmet at hindi ito pinapansin ni Director General Alan Purisima at nauna pang mga PNP chief sa administrasyon ni Aquino. Kaya mababa ang tingin ng mga rider sa mga pulis na ayaw magsuot ng helmet.
Sa isang checkpoint sa Karuhatan, Valenzuela, nagtalo ang rider na guro sa pampublikong paa-ralan at pulis. Nang basahin ng pulis ang papeles ng motor, napuna na nairehistro ito noong Marso 2012. Sa madaling salita, “expired” na ang rehistro ng motor.
Pero, paano maire-renew ang rehistro ng motor na hanggang ngayon ay wala pa ring plaka? Ang renewal ng rehistro ng motor ay nakabase sa huling numero ng plaka. Bago nawala sa Land Transportation Office si Virgie Torres, sinabi niya na ang bagong mga plaka ng motor ay ilalabas na sa
Setyembre. Oktubre na at ilang araw na lang ay Nobyembre na, pero wala pa ring plaka ang mga sangay ng LTO sa Metro Manila. Habang wala pang plaka, dumaranas ng panggigipit ang mga rider sa mga checkpoint. Bakit sila pinagagalitan ng pulis kung ang nakalagay sa likod ay “For registration?”
Ibinukod din natin ang text ni …6710 dahil puro pagmumura ito bunsod ng napakabigat na daloy ng trapiko sa EDSA. Huwag ka nang umasa, Texter …6710, na gagaan pa ang daloy ng trapiko sa EDSA. Kung may panahon ka, pag-aralan ang gilid-gilid na mga kalye’t lusutan sa Scouter area, barangay Sacred Heart at Kamuning, New Manila, San Juan, Mandaluyong at San Ana, Maynila. Dahil sa labis na trapiko, kahit mga rider ay umiiwas na rin sa EDSA.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sana imbestigahan ng Ombudsman ang mga mambabatas sa Cotabato. Dahil ilan sa kanila ay mismong mga kontratista. …5726.
Please advise SSS Pres. De Quiroz to give accross-the-board increases to us pensioners. Mataas na ang presyo ng medicines, lalo na ang aming maintenance. …7918
Paki sabi kay Pacman na kung maaari ay sundin niya ang itinuturo sa kanya para maging batu-bato ang katawan niya. Sa 145 na timbang niya, ituloy ang pagkain ng maprotina at tamang workout. Pagdating ng weighing period, kailangan 146 to 147 na ito. …8940
Hindi nakagaan sa mabigat na daloy ng trapiko ang pagbubukas ng bagong Bacood-Mandaluyong bridge. Dahil lulubog-lilitaw ang traffic enforcer ng Mandaluyong. Asan din ang traffic enforcer at nawawala kapag umulan. …4789.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.