Target ni Tulfo by Mon Tulfo
DAHIL sa kapalpakan ng ating kapulisan sa Luneta hostage-taking, nahihiya ako ngayon na ako’y isang Pinoy.
Alam kong mahirap mabilang sa ating mga kababayaN na gaya ko ay nahihiya—sa ngayon—na sila’y Pinoy.
Kung milyon-milyon sa ating kababayan na nagmalaki sa pagiging Pinoy matapos ang EDSA I, ngayon ay ayaw nilang magpakilala sa ibang bansa na sila’y Pinoy.
Ang kasabihang, Ang hagupit kay Juan ay latay kay Pedro, ay nagkatotoo sa insidente sa Luneta.
Dahil sa kapalpakan ng ating liderato sa paghawak ng hostage-taking crisis na nagbunga ng pagkamatay ng walong Hong Kong tourists, lahat tayong mga Pilipino ay nadamay.
* * *
Nakagawian kong pumunta ng Hong Kong sa mga buwan ng Agosto at Setyembre dahil mura ngayon ang mga bilihin doon.
Lahat ng department stores ay may “grand sale” dahil sa pagpapalit ng season. Maraming mabibiling mga kasuotan at ibang gamit sa murang halaga dahil sa grand sale.
Ang mga restoran sa Hong Kong ay mura din ang mga pagkain sa mga panahong ito.
Pati ang pamasahe at hotel accommodations ay mura rin.
Pero ipagpapaliban ko muna na pumunta ng Hong Kong dahil sa malaking kahihiyan.
Ayaw kong mamura sa daan, ayaw kong murahin ako sa loob ng tren ng mga Hong Kong residents.
May isang Pinoy sa Thailand na dinuraan sa mukha ng isang ethnic Chinese dahil sa nangyari sa Luneta.
Naaawa ako sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Hong Kong, Singapore, Taiwan at Malaysia kung saan maraming mga Chinese. Sila ngayon ang napagbabalingan ng galit ng mga taong di nakakaintindi.
Ipagdasal na lang natin na walang masasaktan sa ating mga kababayang Pinoy sa mga bansang nabanggit.
* * *
Hindi puwedeng makaiwas sa sisi ang media sa nangyaring bloodbath sa Luneta.
Ang aking mga kabaro sa hanapbuhay ay dapat ding sisihin sa nangyaring pamamaslang ng walong turista ng hostage-taker na si dating police Senior Insp. Rolando Mendoza.
Hindi na isinaalang-alang ng aking mga kabaro ang mga buhay ng mga hostages nang sila’y nagbigay ng mga ulat tungkol sa nangyayari gayong alam nila na naka-monitor si Mendoza sa TV at nakikinig sa radyo.
Walang pakialam ang mga mamamahayag na inilalagay nila sa panganib ang buhay ng mga hostages nang wala silang habas sa pagbigay ulat sa nangyayari.
Ang naging ugat ng pagwawala ni Mendoza ay nang makita niya sa TV na inaaresto ang kanyang kapatid na pulis na si Gregorio ng kapwa pulis.
Bakit pa ipinalabas sa TV ang pag-aresto sa kapatid gayong nabuburyong na ang hostage-taker sa mga sandaling yun?
May limitasyon sa pagbibigay sa publiko ng ulat ng mamamahayag.
Kapag nanganganib ang seguridad ng bansa o mga buhay ng mga inosenteng tao, dapat ay ipagpaliban muna ng mamamahayag o reporter o ng diyaryo o ng radio at TV stations ang pagbigay ulat sa publiko.
Oo nga’t may karapatan ang publiko na malaman ang nangyayari sa kanilang paligid, pero kapag buhay o seguridad ng estado ang nakataya dapat ay ipagpaliban muna ang balita.
Ang isang halimbawa ay kidnapping.
Kapag inilabas ng media ang kidnapping ng isang mayamang negosyante, for example, at ang ransom demand na hinihingi ng mga kidnapper, inilagay nito sa panganib ang buhay ng biktima.
Alin ang uunahin ng media, ang mabigyan ng balita ang publiko o mailigtas ang buhay ng kidnap victim?
Siyempre ang buhay ng kidnap victim.
Pero hindi nangyari yan doon sa insidente sa Luneta.
Nahihiya rin ako sa kapalpakan ng aking mga kabaro na nagresulta sa pagwawala ng hostage-taker.
Humihingi ako ng paumanhin sa nangyari.
Bandera, Philippine news at opinion, 083110
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.