APAT na taon nang nagtatrabaho bilang plumber sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia si Gilbert Gustillo Jr.. Nagsimula siyang magtrabaho rito noong 2008.
Masasalamin sa kaniyang kuwento ang pagnanais na umasenso ang buhay ng kaniyang pamilya sa Pilipinas, kayat kahit na sakripisyo at kawalang-katiyakan ang naghihintay sa kaniya sa ibang bansa ay sinuong niya ito.
Nauna nang nagtungo sa Bantay OCW ang ama ng OFW na si Ginoong Gilbert Gustillo Sr. upang matulungang makauwi sa bansa ang anak, dahil hindi naman ‘anya nagpapasuweldo ang employer ng anak.
Kaagad na nakipag-ugnayan noon ang Bantay OCW sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang asikasuhin ang reklamong ito sa lokal nitong ahensya na Nawras Manpower Services Inc. Pagkatapos, nagkaroon rin ng pagdinig sa Saudi Labor Office na nagresulta naman ng pagkakasundo ng dalawang panig.
Pumayag si Gilbert Jr. noon sa alok ng principal agency nito sa Saudi na hahanapan na lamang umano siya ng panibagong trabaho. Dahil na rin sa pagnanais nitong maipagpatuloy ang kaniyang pag-aabroad, at ayaw rin niyang umuwi ng Pilipinas, kung kaya’t nagdesisyon siyang manatili pa rin sa Saudi. Sinuportahan naman ng Bantay OCW ang desis-yon ng ating kabayan.
Hindi naman natin siya mapipilit umuwi kung ayaw niya.
Subalit noong Oktubre 11, 2013, muling bumalik sa Radyo Inquirer ang ama nitong si Gilbert Sr. upang isumbong na hindi rin nagpapasuweldo ang ikalawang employer ng anak. Takot na rin diumano ang anak na baka mahuli na ito ng awtoridad ng Saudi dahil wala siyang hawak na pasaporte at Iqama (permiso upang makapagtrabaho sa KSA). Kwento pa ng tatay, matagal na ring hindi sumusunod sa mga napagkasunduan ang ahensya at employer nito mula noong Marso. Gaya nang unang employer, binalasubas na naman si Gilbert.
Ngayon, gusto na talaga ni Gilbert na umuwi ng bansa, kayat tinawagan namin siya sa Dammam, KSA. Nakikiusap na siya ngayon na tulungan siyang makabalik dito.
Muling ipinagbigay-alam ng Bantay OCW ang reklamong ito sa tanggapan ni Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA at kinumpirmang suspindido ang Nawras Agency subalit may pananagutan pa rin ito sa mga nangyari sa OFW. Hihintayin na lamang ng Bantay OCW ang positibong resulta sa pagpapauwi kay Gilbert Jr.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am.
Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: [email protected]/ [email protected]
Isa ka bang OFW o may kaanak na OFW? Meron ka bang nais na idulog sa Bantay OCW? I-text ang OCW, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.