Grade 5 student namatay matapos ma-comatose dahil sa pananampal ng teacher?

Grade 5 student namatay matapos ma-comatose dahil sa pananampal ng teacher

Ang ina ng namatay na Grade 5 student sa Antipolo, Rizal (Photo: Screengrab from GMA News)

PUMANAW na ang Grade 5 student na na-comatose matapos sampalin umano ng kanyang guro dahil umano sa pagiging maingay nito sa klase.

Sumakabilang-buhay na ang 14-anyos na si Francis Jay Gumikib nitong Lunes, October 1, dahil umano sa pananampal ng kanyang teacher sa Peñafrancia Elementary School sa Barangay Cupang, Antipolo, Rizal.

Ayon sa report, noong September 20, nang sampalin ng kanyang Filipino teacher ang bata. Pero nakapasok pa raw ito sa kanilang paaralan pagkatapos ng insidente.

“According po doon sa mga bata is hinawakan daw po sa damit then hinakawan sa buhok saka po natampal,” ang pahayag ni Divina Rafael ng Women and Children Protection Desk ng Antipolo City Police Station sa report ng ABS-CBN.

Baka Bet Mo: Cassy proud working student, nag-aaral habang nasa lock-in taping: Stressful but fun!

Base pa sa ulat, unti-unting nakaramdam ng pananakit sa ulo at tenga ang bata na sinundan pa ng pagsusuka kaya naman agad na siyang dinala sa ospital.

Ipinakonsta sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima hanggang sa ma-comatose ito. Nagkaroon daw ito ng pagdurugo sa utak hanggang sa mamatay na nga.

Tinangka pa raw puntahan ng magulang ng yumaong estudyante ang naturang guro upang kausapin hinggil sa nangyari.

“Ang gusto niya is makausap ‘yung subject teacher na nakapanakit sa anak niya pero ang nakausap ay adviser. Hinihintay na makausap pero hindi po nangyari,” pahayag ni Rafael.

Kahapon, isinailalim na sa autopsy ang bangkay ni Gumikib para masiguro kung ano talaga ang ikinamatay ng bata.

Sasampahan ng pulisya ng mga kasong homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang sangkot na guro. Pagpapaliwanagin naman ng Department of Education ang paaralan hinggil sa insidente.

Samantala, masamang-masama naman ang loob ng nanay ni Francis na si Elena Minggoy sa nangyari sa kanyang anak.

“Sabi daw po ng anak ko, ‘Teacher, Teacher, ang iingay po nila,’ sabi nu’ng anak ko. Sabi ni Teacher, ‘Gusto mo pati ikaw makisali ka rin?'” ang sabi ni Elena sa panayam ng GMA.

At kahit daw umupo na ang estudyante, binalikan pa rin siya ng teacher at hinila ang uniform, sinabunutan at saka raw sinampal.

Base sa pahayag ng doktor na tumingin sa bata, nagkaroon ito ng hemorrhage o pagdurugo sa utak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Antipolo police, mariing itinanggi ng guro na sinampal niya nang malakas ang estudyante. Pero base sa mga pahayag ng mga kaklase ng biktima, totoong sinampa nito si Francis.

Sabi ni Police Executive Master Sergeant Divina Rafael ng Antipolo Police, “According po don sa mga bata is hinawakan daw po sa damit (ang biktima) then nahawakan sa buhok, saka po natampal.”

LA Tenorio personal na nag-alay ng dasal sa Our Lady of Antipolo para sa paggaling ng kanyang stage 3 colon cancer

Dingdong tinupad ang kabilin-bilinan ng magulang; matinding hirap ang dinanas bilang working student

Read more...