Bong nagpasalamat sa lahat ng sumugal sa mahigit 100 pelikulang nagawa; 50th anniversary TV special babandera sa GMA

Bong nagpasalamat sa lahat ng sumugal sa mahigit 100 pelikulang nagawa; 50th anniversary TV special babandera sa GMA

Bong Revilla

IPALALABAS na sa darating na Sabado, October 7, 8 p.m., sa GMA 7 ang TV special ng ika-50 anibersaryo ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa showbiz.

Ginanap ang selebrasyon noong Lunes, September 25 na mismong araw ng kaarawan ni Sen. Bong.

Dumagsa ang mga sikat na showbiz at political personalities sa selebrasyong may temang “Idol ko si Bong”. Liban sa programa, nagkaroon ng display ng mga memorabilia mula sa kanyang mga pelikula.

Dagsa rin ang media na nag-cover sa mga celebrity na rumampa papasok ng venue suot ang kani-kanilang gown at tuxedo.

Sa pagpasok sa venue, sumasalubong ang mga banda at kilalang singers na umawit habang hindi pa nagsisimula ang pagdiriwang na dinaluhan ng mahigit sa 1,000 katao kabilang ang mga senador at mga congressman.

Maraming pasabog at paandar na nangyari sa event, lalo na ang presentasyon ng pamilya, mula sa mga anak hanggang sa mga apo na naghanda ng kakaibang presentasyon para kay Sen. Bong.

Glamorosa ang pagdiriwang, pag-aasikaso at pagsalubong sa mga artista at pulitiko at iba pang mga namumuno sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

“Nagpapasalamat ako kina Boss Vic del Rosario at Direk Carlo J. Caparas para sa aking unang starring role, kay Mother Lily Monteverde, at producers na nagtiwala, sa aking mga naging direktor sa mahigit 100 pelikulang aking nagawa.

Baka Bet Mo: ‘A Very Good Girl’ nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon ipalalabas din sa US: ‘The quality of work we do here is world class’

“Sa GMA 7, lalo na kina Sir Felipe Gozon, Sir Jimmy Duavit, Annette Gozon at Joey Abacan, na sumugal sa akin para pumasok sa telebisyon at sa mga nakasama kong mga artista na naghatid ng kasiyahan sa mga manonood,” pahayag ng veteran actor at public servant.

Pinasalamatan din ni Sen. Bong ang lahat ng kaniyang leading ladies, mga tao sa likod ng camera — scriptwriters, staff at crew, stuntmen, production designers at effectsmen, PR at AdProm; kasama ang showbiz press at writers.

Present sa birthday party ni Sen. Bong sina Maricel Soriano, Erik Matti, Vic del Rosario, Marlon Bautista, Roselle Monteverde, William Lao, Mac Alejandre, Annette Gozon-Valdez, Lolit Solis, Jay Santiago, Felipe Gozon, Ronald Asinas, Beauty Gonzales, Sunshine Cruz, Jean Garcia, Ara Mina, Sanya Lopez, Rochelle Pangilinan, Rabiya Mateo, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Gardo Versoza, Roi Vinzon, Niño Muhlach, Betong Sumaya, Long Mejia, Ogie Diaz, Jillian Ward, Robin Padilla, Philip Salvador, Jinggoy Estrada, Lorna Tolentino, Amy Austria, Isabel Rivas, Iza Calzado at marami pang iba.

Nagpadala naman ng video greetings sina Dingdong Dantes, Judy Ann Santos, Aiko Melendez, Regine Velasquez at Vilma Santos.

Hindi nagpatalo ang tila hindi tumatandang maybahay ni Sen. Bong na si Lani Mercado-Revilla sa napakaganda niyang gown, na sumayaw at naghandog din ng mga awitin. Pinalakpakan ng audience ang duet nila ni Sen. Bong.

Ilan din sa mga dumalo sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri at napakarami pang pulitiko.

Nanawagan si Sen. Bong na panoorin ang kanyang TV special sa darating na Sabado, sa ganap na 8 p.m..

Angeline Quinto nanganak na sa kanyang panganay: ‘Hello, Baby Sylvio!’

Alfred Vargas mala-superhero ang ganap sa buhay; kering-kering pagsabayin ang pagiging aktor, konsehal, tatay at asawa

Read more...